Taon-taon tuwing ika dos ng Nobyembre pumupunta kami rito, upang bisitahin ang mga namayapa naming mahal sa buhay. Ako ang nakatoka ngayong taon upang siguraduhin na malinis na ang puntod at handa na sa darating na okasyon. Nagpasama ako sa aking pinsan na si Michael at kami ay nagtungo na sa sementeryo.
Pagdating namin sa puntod ng aking lolo nagulat ako sa itsura nito, sira na ang ipinagawang parang hawla at saksakan pa ng dumi ng paligid dito. Habang nag-iisip kung paano naming sisimulan ang mukang impossibleng malinisan ay doon ko nakilala si estong, sya ay isa sa dami ng mga tao na ginawang pagkakitaan ang mga ganitong sitwasyon.
Inalok nya ako ng linis at pintura sa halagang anim na raan ay tatapusin nila, at wala akong gagawin kundi ang maupo at panoorin sila. Kinagat ko ang kanyang alok, at sinimulan nilang linisin ang mga puntod. Ang hirap ng kanilang ginagawa ngunit kita ko ang saya sa kanilang mga muka.
Wala kang pag-iigiban ng tubig sa sementeryo kaya si Estong ang taga-igib at medyo may kalayuan ang pagkukuhaan ng tubig. Iniwan nya ang dalawa niyang kasama, ang isa ay nag-umpisa magwalis at isa naman ay kinakayod ang mga putik na natuyo at ang lupit ng pagkakadikit. Nang makabalik si Estong ay nag-iisis na ng puntod ang dalawa nyang kasama.
Laking gulat ko ng bigla nilang buhusan ang bahagi na kanilang naisisan, ang kapal pala ng putik kitang kita ko sa maduming tubig na umaagos sa bawat pagbuhos. Ilang ulit bumalik si Estong upang mag-igib ng tubig habang walang tigil naman sa kaiisis ang kanyang mga katulong. Habang sila ay naglilinis kami ay naghuntahan, at doon ko natuklasan ang kwento ng kanilang buhay.
Ang babae palang kasama nila ay ang kanyang asawa, meron silang isang supling at ito ay tatlong taong gulang na. Ang isa pa nyang katulong ay ang bayaw nyang taga probinsya na taon taon na bumibisita sa Angono para lang kumita. Kada taon ito ang kanilang gawain, ang maglinis ng puntod upang sila ay may makain. Naitanong ko tuloy "paano pagkalipas ng undas, saan kayo kukuha ng ipang gagatas?"
Hindi lang pala sila tuwing undas kumikita, meron silang mga suki na buwan-buwan ay nagpapasweldo sa kanila. Sila ang nag aalaga ng mga mahal natin sa buhay na namayapa, na kung bisitahin natin ay para tayong bula. Bumilib ako sa kanilang sipag at tyaga, hindi sila nilalamon ng sitwasyon na meron sila ngayon. Bagkus hinaharap nila ang bawat araw na darating at handa sila magsumikap upang magandang bukas ay damhin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento