Lunes, Nobyembre 28, 2011

RETOKE

Jose, Allan K., at Wally, yan ay ilang halimbawa ng mga taong nagkapera ngunit hindi pinabago ang itsura. Araw-araw namin pinapanood ang kanilang programa, ang Eat Bulaga sa tanghali. Hindi mabubuo ang araw namin kapag sila ay hindi nasilayan, nakakatanggal kasi sila ng pagod at lungkot. Muka pa lang ni Jose matatawa ka na, lalo na sa kanyang mga linya na halata mong hindi binasa.

Napakanatural sa kanila ang magpatawa, gaganahan ka talaga kumain ng sobra. Minsan aking nasabi "ang dami nang pera ni Allan K. bakit hindi pa sya paretoke?"  sinagot ako ng aking kaibigan " kasi yan ang dahilan bakit sya yumaman, bakit nya ipapabago ang bagay na sa kanya ay nagpaasenso" oo nga naman sya ay may katwiran, kaya hindi na ako nagsalita pa at sumang-ayon na lang.




Si Jose at si Wally ang paborito ko sa lahat, lalo na kapag sugod bahay na ang palabas. Minsan aking napansin hindi sila napipikon kapag itsura nila ang titirahin, bagkus ipagmamalaki pa nila ito at ipapakita ng todo. Magaling sila makihalubilo sa tao, kaya nilang sabayan kahit sino.


Nakita nyo na ba ang moves ng dalawang yan, kahit walang linya silang binabasa galaw pa lang ng katawan ay tatawanan mo na. Lalo na yung kiss sa kili-kili na kanyang ginagawa, hindi nya alintana kahit kili-kili pa nung tao ay basa. Nakakaloka talaga sila, kaya hindi nagsasawa ang tao panoorin sila.
Bilib ako sa mga taong yan, hindi kinahihiya ang bigay sa kanila ng Maykapal. Bagkus ginagamit nila ito, upang magpasaya ng ibang tao. Natural sa buhay ng tao ang tumanda ang itsura, bakit kailangan mo ipadoktor pa. Physical na itsura lang yan, ang importante ay ang mabuting kalooban. At iyo ring tatandaan, minsan nadadaig ng kulit at talino ang muka na gwapo.

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

UHNAT! UHNAT!

Paborito ito ng karamihan, mura kasi at mabigat pa sa tyan. Minsan lang ako kumain nyan, kasi hindi ko naman ito nakahiligan. Kadalasan itong ginagawang pasalubong tuwing bibisita sa kamag-anak at kakilala, ito na rin ang ginagawang merienda tuwing meron kaming bisita.



Meron itong iba't-ibang kulay, para sa iba't ibang pleybor. At dinagdagan pa ng kung ano-anong palamuting binubudbod, mga maliliit na kendi na may maraming kulay. Yung iba naman ay dinaan sa disenyo na ang ginamit na pang-akit ay mga drawing na gawa sa tinunaw na tsokoleyt.



Marami kang pagpipilian at sa dami ng klase ng panlasa ng tao meron isang pwedeng ipangtapat syo. Masarap syang kainin habang may kahuntahan, kapamilya, kabarkada o kasintahan. Napakamura nya kaya naman sya ay talagang pangmasa. Kung nagtitipid ka talaga eh di munchkins ng kainin mo di ba.


Pero ang dahilan ng kwento ko na ito, ay ang bunso ko na nahilig dito. Tuwing kami ay mapupunta sa mall, madidinig mo ang anak kong sumisigaw habang tumatalon "mommy uhnat! uhnat!". Nung una ay hindi ko pa naintindihan, hanggang sya ay nainis at tumakbo at ako ay nilayasan. Hinabol ko si bunso, at nakita ko sya nakatayo sa tabi ng salamin nagulat ako na DONUT pala ang gusto nyang ituro.


At alam nyo ba ang kanyang paborito, ang tsoko baternat na noon ay hindi ko gusto.....hahahahaha Ngayon  dahil kay bunso, naadik na naman ako sa "UHNAT" na dati ay hindi ko naman paborito. 




we would like to thank our sponsors " Dunkin Donut, Dr Bikke Pelo, and Dr. Kawayan. ".....hahahaha CHOS!

Sabado, Nobyembre 19, 2011

HILING, LAGI BANG DIDINGGIN?

Naranasan mo na ba, yung may kausap ka tapos bigla nya sasabihin " buti ka pa ". Hindi maiwasan sa isang huntahan, ang mga katagang yan na mukang hindi naman nila alam ang tunay na kahulugan. Kadalasang nangyayari, hindi natin maiwasan mainggit sa mga bagay na meron sila na wala sa atin.. 

Ang bawat nilalang ay may kanya-kanyang planong nakalaan, iyon ay kung yayakapin natin ang biyayang sa atin ay ibinigay. Pansinin natin sa dami ng ating hiling, ilan ba dyan ang sa atin ay ipinagkaloob. Kahit anong dasal, kahit ilang simbahan ang luhuran, at ilang oras ang ilaan, hindi nya ibibigay sa ang sa tingin nya ay hindi naman natin kailangan.

May mga pagkakataon na kanyang tinugunan, ang hiling na kay tagal na idinaing. Ibig sabihin noon, yan na ang tamang panahon at pagkakataon dahil ang ating gusto ay tumugma sa kanyang plano. Ito ang mahalagang tandaan at sana ay maunawaan, ang karaniwang bagay na hinihiling nating mga nilalang, ay mga bagay na ating "GUSTO" ngunit hindi naman natin "KAILANGAN". 

Ibinigay nya sa atin ang mga hiling na kailangan natin, mga bagay, tao, karanasan na humulma sa ating pagkatao. Buksan ang mga mata, huwag tayo pakabulag sa nakikita natin na meron ang iba. Dahil meron syang ibinigay sa atin na kahit kailangan hindi makukuha ng iba, sana lang alam natin ito bigyan ng halaga  bago pa mawala ang sa atin ang biyayang ipinagkaloob nya.

Family : Ang ating pamilya na laging nadyan sa atin kahit anong mangyari, kahit paulit ulit tayong magkamali ay paulit ulit din tayong tatanggapin at tutulungan makabangon.

Faith : ang gabay natin at tumutulong sa atin upang hindi sumuko sa kahit ano mang pagsubok na darating o dumating sa ating buhay.

Trabaho : huwag natin tignan ang taas o baba, ang mahalaga ay meron ka at hindi ka nagiging pabigat sa iba bagkus nakakatulong ka.

Love : Minsan lang yan darating, matuto tayong seryosohin. Bigyan ng halaga upang lalo tumibay ang pagsasama.

Friends : tuklasin kung sino ang tapat at totoo, dahil sa mundo bibihira ang tulad ko....nyhahahaha CHOS!

Biyernes, Nobyembre 18, 2011

KINATAY

Isang indie film na pinangungunahan ng paboritong artista ng aking pinsan, Coco Martin ang pangalan. Umpisa pa lang ng pelikula ay excited na kaming lahat sa istorya, kakaiba kasi ang pamagat kaya mapapaisip ka. Ang una kong napuna ay ang papel ni Coco sa pelikula, mukang hindi inisip ng director na hindi bagay sa kutis nya ang papel na isang hampaslupa.


Ibang-iba kapag indie ang pelikula, mas malakas pa ang tunog ng mga sasakyan sa likod kesa sa mga tauhan na may sinasabing linya. Halatang halata mo rin kung gabi o umaga, dahil halos wala ka ng makita sa dilim ng eksena. Nagsimula kami panoorin ang pelikula alas-syete pa lang ng gabi, plano kasi namin magmarathon habang kami ay nag-iinom.



Nagsimula ang istorya sa iniwang sanggol sa kanyang lola, ikakasal kasi si Coco sa babaeng kanyang kinakasama. Lupit ng naging eksena simula sa bahay ang kinunan ng kamera, walang tigil, walang cut, parang ramdam mo ang pagod ng ating mga artista. Pagkatapos ng kasal, pumasok sya sa eskwela at heto na naman kami mukang tangang nakikilakad sa bida hanggang sa Quiapo napunta.

Pero ang pinakanainis kami at nakatulugan na ng isa sa amin, ang eksena sa van simula makati hanggang bulacan. Akala namin nasa byahe din kami, pakiramdam namin kasama kami sa loob ng van. Lahat kami isang bote palang ang nainom ngunit sa bagal ng istorya isa sa amin ay natulog. Ngunit hindi doon natapos ang aming pagkayamot, pagdating sa bulacan bigla naman nasira ang cd na nakasalang.
eksena na hindi na namin nakita dahil sa nasira ang cd
Hindi na namin natuklasan, bakit ang pamagat ng pelikula ay kinatay. Sana sa mga susunod na lilikha ng indie na pelikula, siguraduhin na may istorya. Ok lang naman na low budget, ang importante ay ng istorya at magaling umarte ang artista. Nakakahiya kasi sa mga dayuhan na makakakita, muka silang nanonood ng basura.

Ang dapat na aming movie marathon ay itinulog na lang namin at tinigilan ang pag-inom. Kaya ito ang payo ko, kung gusto nyo makatulog ng maaga, manghiram kayo ng indie na pelikula.

Linggo, Nobyembre 13, 2011

ANG AKING SANDATA

Kahit saan yata ako pumunta, bakit iisa lang ang puna nila. Ako raw ay matapang, tipo ng babae na hindi uurong sa kahit anong laban. Ang muka ko raw ay masungit, dahil sa mata kong singit. Noo ko raw ay laging nakakunot, kaya pati pagtaas ng kilay ko ay sumusunod. Kung lumakad ay pasugod, akala lagi nila ako ay manununtok.

Iba rin ako pumorma, yung dating ay kakaiba. Mahilig ako sa takong, sexy kasi lalo na kapag nakamaong. Karaniwan kong pang itaas ay sando, tube, o sleeveless, sabay papatungan ng jacket. Mahilig kasi ako magmotor, kaya kailangan ako ay balot.


Bihira lang sa akin ang lumalapit, natatakot kasi sila sa muka kong masungit. Piling-pili din ang kanilang mga salita, nag-ingat na sila ay mapasama. Ang mata ko ay may kulay, parang bampira na papatay. Nakadagdag ito sa tapang ng muka ko kaya naman ako lalong nag enjoy isuot ito.

Pero tanungin mo yung malalapit sa akin, mga taong inalam ang totoo kong saloobin. Hindi naman lahat yan ay totoo, lalo na pagdating sa personalidad ko. Iyan ang maskara ko na sa twina ay suot ko, kung hindi mo tutuklasin ang nasa likod nito, mamamatay kang mali ang pinaniniwalaan mong ako. Iyan ang aking sandata, ang mahal kong maskara.



Linggo, Nobyembre 6, 2011

PASUKAN 2ND SEM 2011

Itong taon na ito ang pinakatodo, akalain mo ba naman papasukin ang mga bata a dos pa lang ng Nobyembre. Madami ang nadismaya at nairita dahil wala naman palang mga prof. ang nagpakita. Karamihan sa kanila ay malayo ang pinanggalingan, sana naman iyon ay sumagi sa inyong isipan. Lahat ng bagay sa guro nagsisimula, paano sisipagin ang bata kung pati ang guro ay nawawala.

Hindi ako nakapasok sa unang araw ng iskwela, hindi pa kasi ako nag-eenroll para sa sem na ito di ba. Ngunit lahat yan sa akin ay nakarating, hinanaing ng mga estudyanteng sumunod sa nakapaskil sa dingding. Sayang daw ang kanilang pagod, oras at pera, sana inipon na lang nila at sila ay nagpahinga. Ang sabi ko naman " wala na tayong magagawa dyan, kaya tiisin nyo na lang ".

Kada semester meron akong natututunan, tungkol sa buhay at pakikisama sa karamihan. Nung unang semester ko sa aking paaralan, natuto akong makisalamuha at makipagkaibigan. Marami akong nakilala, na sana hindi ko na kinaibigan pa. Wala akong sasabihing hindi maganda, ayokong tumulad sa mga taong yun hindi ba. Pero pasalamat na rin ako dahil ngayon alam ko na nagkalat ang tulad nyo sa kalsada.

Pangalawang semester ko sa paaralan, akalain mo nakaaway ko ang aking mga kaibigan. Ang dami kong gulong napasukan, kahit ako ay nananahimik lang. Meron akong natutunan, madami ang mga taong inggit lang. Buti na lang at nanaig ang totoo, dahil may mga taong hindi natakot magsalita at manindigan. Kaya ngayon heto nakatayo pa rin ako, salamat sa mga taong sumuporta ng todo.

Ngayong semester sana ayusin na, tigilan na sana ako ng mga pakialamera. Tahimik ang buhay ko at ako ay masaya, ipagdarasal na lang kita sa kanya.

SALAMAT SA MGA MEMBER NG F.E.S NA SA AKIN AY SUMUPORTA NUNG UNANG SEMESTER SA ESKWELA.


p.s: yan na jay paul ang hiniling mong blog ukol sa unang araw nyo sa eskwela.

Sabado, Nobyembre 5, 2011

PAALAM AT SALAMAT

Nakakalungkot isipin na ang iba sa amin ay lumisan, lumipat kasi sila ng paaralang papasukan. Okey lang kaibigan, alam ko namang mas mapapabuti ka sa desisyon mong yan. Mamimiss ka lang namin ng sobra, kaya kami ay nalulungkot na.

Si Sharmaine sa amin ang tahimik, palagi syang walang imik. Paborito ko syang asarin dahil kahit kelan hindi sya napikon sa akin. Pero alam nyo proud ako sa isang ito, dahil sa aking katutukso natuto sya pumorma ng todo. Kailangan lang pala ng konti pang dilig upang ang bubot na bulaklak ay tuluyang bumukad. 

Maraming issue ang kanyang kinasangkutan, ngunit hindi ako nag-alala dahil kakampi nya ang karamihan. Hindi nagtagal ay pinabayaan ko na sya, dahil ang dating walang imik at tahimik ay natuto na lumaban at narinig din ang kanyang tinig.  

Yung isa naman ay si Jicel, kapag kasama mo sya lagi ka mapapa "d' hell". Bigla bigla kasi sya papasok sa usapan, na hindi naman pala nya alam. Nakakaaliw sya, kami ay lagi natatawa kanya. Sa aming lahat sya ang bihira makasama, napakastricto kasi ng kanyang tito at tita. Inoorasan sya palagi at bawal sa amin ay sumali, kaya naman wala syang alam na tsismaks parate.


Marami kaming masasayang sandali dahil kayo ay aming kasama, ngayon ay paano na dahil kulang na ang barkada. Sana hindi nyo kami makalimutan at minsan naman ay makapagkamustahan, madadaan naman natin ito sa maboteng usapan.


Tandaan nyo nadito lang kami, mga barkada nyo at kaklase na handang dumamay sa inyo kapag kayo ay naapi. 




PAGHIHINTAY

Meron akong bagong kakilala, Bugoy ang pangalan nya. Noong una kaming nagkasama ay iba ang nakita ko sa kanya, makulit, palatawa, iisipin mo wala syang problema. Enjoy na enjoy ako nung panahon na yun, kasi naman ako ang hot seat sa aming usapan. Nabisto kasi ako nang husto, akalain ko ba naman na kaibigan pala sya ng aking nobyo.

Masaya ang aming naging kwentuhan, dahil punong puno ito ng kantyawan. Huwag ko na daw masyado dibdibin ang lihim na nabuko tungkol sa amin. Nagkataon lang daw na mas maaga nalaman, dahil kaibigan din nya ang aking pinsan. Pasasaan pa daw at magkakakilala rin naman daw kami, mas maganda nga yun maaga at mas madali.

Bago matapos ang aming pagsasalo-salo, napag-usapan naman ang tungkol sa puso. Handa na sya makipagrelasyon, wala nga lang sya makita sa ngayon. Kaya tinanong nya ako kung meron akong pwede ireto,  upang maging makulay naman ang kanyang mundo. Tinawagan ko ang aking kaibigan, joyce ang kanyang pangalan. Naisip ko lang mukang bagay silang maging magkaibigan, at malay natin paglaon eh sila'y maging magkasintahan.

Sila ay naging magkatextmate nung mga unang araw, hanggang dumating sa gabi-gabi ay magkausap. Ang hindi ko maintindihan, nung sila ay magkita parang nawala na. Wala akong alam kung ano ang dahilan, pero sinabihan ko si budoy ng " ihahanap na lang kita ng iba, yung sigurado kong magiging masaya ka ".

Nakita ko ang sarili ko kay Budoy, isang tao na napaso na sa pait ng nakaraan. Buti na lang at kanya pang nakayanan, pero hirap na sya ngayon magtiwala at takot nang masaktan.Ngunit hindi dyan natatapos ang buhay ng tao, kailangan kang matutung tanggapin ang pagkatalo. Doon ka magsisimula at babangon, iyon ang gagamitin mong puhunan tungo sa kinabukasan.

Kapag ang sugat ay naghilom, kailangan mong maging matapang at matatag. Sumugal ka ulit pero huwag yung pilit. Huwag mong hanapin ang wala dahil makikita mo ay hindi tama. Kusa syang darating kung ito talaga ay para sa atin.


Huwebes, Nobyembre 3, 2011

MILAN

Meron akong paboritong parte sa isang pelikula, sagutan ni Claudine Barretto at ni Piolo Pascual ang eksena. Ito ay sumikat sa takilya noong taong 2004 na ipinalabas ng Star Cinema sa ilalim ng production ng ABS-CBN. Marami ang naantig at napaluha ng pelikulang ito, nakarelate kasi ang karamihan sa pinagdaan ng bidang si Claudine Barretto.

" MILAN "

Claudine: Hindi pala naibibigay ang kaligayan, hindi ito nahahanap sa ibang tao oh sa isang lugar, nasa sa iyo yun. Ikaw mismo ang makakahanap at makakapagbigay nun sa sarili mo …
Piolo: Pero Jenny …
Claudine: Hindi ko kayang punuan lahat ng pagkukulang sa buhay mo Leo, dahil meron din akong sariling pagkukulang na kailangan kong punuan …
Piolo: Jenny mahal kita …
Claudine: Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako? … Oh kailangan mo ako kaya mahal mo ako? … Kasi yun din ang tinatanong ko sa sarili ko ngayon eh … Hangga’t di pa natin alam ang sagot, siguro nga mas mabuting ganito muna tayo …
Months later, they end up bumping into each other again …
Piolo: Uuwi ka daw? … Mahal kita at kailangan kita Jenny, yun ang kaya kong isagot.

" THE END "
Napakagandang pelikula, nakarelate ako di ba. Ganyan kasi karamihan ng mga babae, nakakalimutan ang sarili dahil sa sobrang pagmamahal kay lalake. Minsan kasi hindi na nag-iisip, pintig ng puso lang ang nadirinig. Hindi ba tayo nag-iisip o ayaw lang mag-isip, kasi akala mo mahalaga ang nadarama. Pero isipin mo ito, kung hindi ka mag-iisip, hindi mo malalaman kung tama pa ba ang ginagawa mo at dinidikta ng puso mo.

Oo masarap ang umibig at ibigin, pero sasarap lang ito kapag ito ay tunay at pareho nyong inialay.

Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

PANGALAWANG PAMILYA

Minsan sa aming kwentuhan aming napag-usapan tungkol sa pamilya at ang mga hindi magagandang kaganapan. May epekto ba talaga sa bata kapag ang mga magulang ay ginusto ang hiwalayan? kesa ang sagipin ang pamilya, problema na lang ay pag-usapan at solusyunan. Bakit nga ba humahantong sa ganitong sitwasyon? Gaano kabigat ang dahilan upang sinumpaan ay bitawan.



Meron kasi kaming kabarkada, nagkwento ng hinanakit nya. Ang kanyang ama raw ay meron ng pangalawang pamilya. Okey lang naman daw sana kasi masaya na rin ang kanyang ina, ang kinasasama lang ng loob nya ay parang nakalimutan na may anak ang ama nya sa unang asawa. Hindi sila kinakamusta o binibisita at hindi na rin ito nagbibigay ng pinansyal na suporta sa kanila. Kaya ang tanong sa kanyang isipan, bakit parang sila ay pinabayaan. 

Nakita ko ang epekto nito sa kanya, hindi ko na makita ang dating saya sa kanyang mga mata. Ang dami nyang hinanakit  sa kanyang puso, at galit na pilit na itinatago. Dama ko ang hirap ng kanyang damdamin, ngunit hindi ko alam kung paano ito pagagaanin. Gusto ko ibalik ang dati nyang pagkatao, yung tipong hindi galit sa mundo.

Hindi ko alam ang mga tamang kasagutan, kaya sinabi ko kay Tevar ay inyo na lang pakinggan. Wala ka ng magagawa sa nangyari sa pamilya mo noon, huwag mo na rin silipin ang pagkukulang ng mga magulang mo ngayon. Hindi ka nya bibigyan ng problema na hindi mo kaya, gusto lang nya ay maging mas matatag ka pa. Maging aral sa iyo yan at huwag mo ng tularan, kapag nagkapamilya ka ay iyong mahalin at ingatan.

SALAMAT SA INYO!

Tatlo silang guro na hindi namin malilimutan, maikli man ang panahon na aming pinagsamahan ngunit marami kaming sa kanila ay natutunan. Hindi sila takot ipaglaban ang tama, at lalong hindi sila takot magsalita. Mahalaga kami sa kanila, ginagabayan kami sa tutwina. Pwede mo silang lapitan, lalo na kung ikaw ay may katanungan. Sinisigurado nila na ang bagay na kanilang itinuro ay iyong matatandaan at maiintindihan, kahit wala kang librong hinahawakan at wala sa iyong harapan.

Si Ma'am Virna Odiver ang guro namin sa Humanities at English IV ( communication and speech ). Sa tuwing kami ay nagbabasa ang lahat ng maling pronunciation mo ay dinig na dinig nya, ipauulit ulit nya sa iyo yun hangat hindi mo napeperfect yun. Mahilig sya magsabi ng perfect at very good, isang bagay na nakakagana sa amin upang mag-aral pa. 


Virna Odiver

Si Sir Glenn Donne Guerrero naman ang aming guro sa Filipino, sya rin ang adviser namin sa aming organisasyon. Sya ang tipo ng guro na hindi binabasa ang libro, dahil lahat ng nakasulat dito ay kanya ng kabisado. Kakaiba rin ang kanyang istilo ng pagtuturo, sinisigurado nya na kanyang itinuro ay iyong naintindihan ng hindi mo kailangan kabisaduhin ang buong silid aklatan.


Donne Glenn Guerrero

Ang huli ay si Sir Filliffe Rae Anthonie Anorico na nagturo naman sa amin ng Psychology I. Tuwing sya ay nagtuturo, meron syang halimbawang sitwasyon upang ang mga terminong malalim ay iyong madaling intindihin. Hindi rin sya nakukuntento sa lahat ng nasa libro, lagi syang may pakulo na kaugnay sa kanyang itinuturo. Mahilig sya magresearch sa internet ng mga pwede nyang ipalabas sa amin na konektado sa paksa na aming tatalakayin.


Filliffe Rae Anthonie Anorico

Silang tatlo ang guro na aming paborito, kahit kailan hindi sila nagalit sa tuwing kami ay may pagkukulang. Ang diskarte nila ay ituturo nila sa iyo ang mga bagay na pwede mo pang gawin upang ikaw ay lalong may matutunan. Sila rin ang adviser namin sa Dulaan sa paaralan, sila rin ang tumulong sa amin tuwing kami ay may activity na sinalihan.

Maraming salamat po sa inyong tatlo, kayo ang tipo ng mga guro na dapat tularan. Kayo ang magsisilbing inspirasyon namin sa kursong aming kinuha, at balang araw tayo ay muling magkikita.


F.E.S pipz from left : Krishan, Twinkle, Jera, Junel, Me (RUDE), Cheska, Ericah,  Alyanna and Roma

Martes, Nobyembre 1, 2011

UNDAS

Taon-taon tuwing ika dos ng Nobyembre pumupunta kami rito, upang bisitahin ang mga namayapa naming mahal sa buhay. Ako ang nakatoka ngayong taon upang siguraduhin na malinis na ang puntod at handa na sa darating na okasyon. Nagpasama ako sa aking pinsan na si Michael at kami ay nagtungo na sa sementeryo.

Pagdating namin sa puntod ng aking lolo nagulat ako sa itsura nito, sira na ang ipinagawang parang hawla at saksakan pa ng dumi ng paligid dito. Habang nag-iisip kung paano naming sisimulan ang mukang impossibleng malinisan ay doon ko nakilala si estong, sya ay isa sa dami ng mga tao na ginawang pagkakitaan ang mga ganitong sitwasyon.

Inalok nya ako ng linis at pintura sa halagang anim na raan ay tatapusin nila, at wala akong gagawin kundi ang maupo at panoorin sila. Kinagat ko ang kanyang alok, at sinimulan nilang linisin ang mga puntod. Ang hirap ng kanilang ginagawa ngunit kita ko ang saya sa kanilang mga muka. 

Wala kang pag-iigiban ng tubig sa sementeryo kaya si Estong ang taga-igib at medyo may kalayuan ang pagkukuhaan ng tubig. Iniwan nya ang dalawa niyang kasama, ang isa ay nag-umpisa magwalis at isa naman ay kinakayod ang mga putik na natuyo at ang lupit ng pagkakadikit. Nang makabalik si Estong ay nag-iisis na ng puntod ang dalawa nyang kasama.

Laking gulat ko ng bigla nilang buhusan ang bahagi na kanilang naisisan, ang kapal pala ng putik kitang kita ko sa maduming tubig na umaagos sa bawat pagbuhos. Ilang ulit bumalik si Estong upang mag-igib ng tubig habang walang tigil naman sa kaiisis ang kanyang mga katulong. Habang sila ay naglilinis kami ay naghuntahan, at doon ko natuklasan ang kwento ng kanilang buhay.

Ang babae palang kasama nila ay ang kanyang asawa, meron silang isang supling at ito ay tatlong taong gulang na. Ang isa pa nyang katulong ay ang bayaw nyang taga probinsya na taon taon na bumibisita sa Angono para lang kumita. Kada taon ito ang kanilang gawain, ang maglinis ng puntod upang sila ay may makain. Naitanong ko tuloy "paano pagkalipas ng undas, saan kayo kukuha ng ipang gagatas?"

Hindi lang pala sila tuwing undas kumikita, meron silang mga suki na buwan-buwan ay nagpapasweldo sa kanila. Sila ang nag aalaga ng mga mahal natin sa buhay na namayapa, na kung bisitahin natin ay para tayong bula. Bumilib ako sa kanilang sipag at tyaga, hindi sila nilalamon ng sitwasyon na meron sila ngayon. Bagkus hinaharap nila ang bawat araw na darating at handa sila magsumikap upang magandang bukas ay damhin.

Sana maging inspirasyon ito sa mga taong biniyayaan ng husto, huwag nyo sayangin ang mga ibinigay sa inyo. Matuto tayong ang biyaya ay ibahagi sa kapya dahil ito ay babalik din sa atin ng kusa.