Si Estong ang pinsan ko sa kapatid ni mama, sya ang bunsong anak nila Ate Neneng at kuya Naneng. Malapit kami sa isa't-isa dahil isa sya sa aming kasama sa pagsusugal ng baraha. Naglalaro rin kami ng patentero at aabot sa dulo ng aming kalye ang pila nito. Halos sa lahat ng aming katarantaduhan nung bata sya ay aming kasama dahil sa kanilang magkakapatid sya lang ang aming kaedad.
Kilala kami sa kalye trese, yan ang bansag ng aming kalye. Hindi ko alam kung saan ito hango dahil ang orihinal na panagalan nito ay 2nd street. Mabait sya at malambing ngunit may pagkapikon din. Lagi kami nahahati sa dalawang grupo kapag kami ay nagkakagulo. Ngunit pansinin mo kahit kelan hindi tumagal ang aming mga alitan. Kapag may tampuhan ang aming mga magulang hindi namin ugali ang makialam. Iyan siguro ang sekreto bakit hanggang ngayon kaming lahat ay walang iwanan.
Ngunit may mga bagay sa mundo na hindi pangmatagalan, may dumating na sakuna na hindi namin nakayanan. Nagkayayaan ang magkakabarkada, magswimming sa Quezon dahil noon ay bakasyon. Sya ay sumama, dahil may kasama naman syang matandang kapatid nya. Nagluluto ng pagkain sila kuya Nomer, si Estong naman at ang iba ay naisipang maligo.
Hindi ko na ikukwento kung ano mismo ang mga nangyari, ayokong balikan ang mga alaala na hindi naman magaganda. Iyon ang dahilan bakit hindi na namin sya kasama ngayon, sinundo na kasi sya ng ating Panginoon. Ngunit wala kaming magagawa kung iyon ang sa kanya ay nakatadhana. Marami naman sya iniwang magagandang alaala. Mga bagay na kahit kailan ay hindi malilimutan, bagkus ito ay lagi pa namin napaghuhuntahan.
Darating ang araw tayo rin ay magkikitang muli, salamat sa mga pinagsamahan. Hinding hindi ka namin makakalimutan at Maligayang kaarawan syo aking pinsan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento