Huwebes, Marso 29, 2012

WALANG MAY GUSTO

Si Elena, batang lumaki sa pangangalaga ng kanyang tita, lolo at lola. Abala kasi ang mga magulang magtrabaho upang silang magkakapatid ay mapag-aral ng husto. Lumaki siyang walang nasasabihan ng kanyang nararamdaman, malungkot man o masaya ang kanyang pinagdadaanan. Lumaki siya na iba-iba ang kasama, nagrebelde kasi siya sa nangyari sa kanilang pamilya. 

Kung ano-ano ang kanyang gusot na napasukan, kaya lalong lumayo ang loob ng kanyang mga magulang. Pinilit niyang hanapin ang kulang, ngunit sadyang mapagkait ang kapalaran. Ang nakikita niya ay mali, sa tuwing siya ay nagbabakasakali. Lahat ginawa nya upang siya ay mahalin sana, ngunit wala yatang pag-asa itong si Elena.

Nakakaawa siya nung sya'y aking makapanayam, dama ko ang sakit ng kanyang kalooban. Hindi ko alam kung ano pa ang kulang, bakit hindi siya kayang mahalin ng kahit sino man. Mabait si Elena, yan ang aking masasabi. Marinig lang niya ang iyong problema at hinaing, ay pipilitin niyang solusyunan at ayusin. Maawain sya sa tao, lalo na yung malungkot ang mundo. Pilit niya itong pasasayahin, kahit alam niyang isang araw siya ay lolokohin.Wala siyang matawag na mga kaibigan, yung mga tipong nandyan kahit walang kailangan. Masyado kasi siyang mabait, kaya sinasamantala naman ng mga linta ang kanilang pagsipsip. 

Ito lang ang aking maipapayo, huwag kang magbago dahil mabuti ang iyong pagkatao. Hindi lang nila alam ang iyong halaga, dahil nandyan ka pa at kanilang nakikita. Subukan mo silang pabayaan, kalimutan mo at iyong iwan. Makikita mo ang kanilang panghihinayang, kung bakit ka pa nila pinakawalan.




Lunes, Marso 26, 2012

SANAY NA

Huwag kang masanay sa isang bagay na hindi maganda, bagkus humanap ka ng magbibigay sa iyo ng ginhawa at ligaya. Iba't-ibang klase ang meron nito, sanay sa trabaho, pamilya, paniniwala, kasama, kakilala o sa nadarama. Ang importante ay dapat alam mo, alam mo kung ito ba ay maganda pa o nakakasama na sa iyo. Magbibigay ako ng halimbawa, isa sa bawat klase.

Uunahin ko na ang trabaho, dahil karamihan ay wala nito. Huwag mong sanayin na wala kang trabaho, dahil ito ay patunay kung may kwenta ka sa mundo. Sa mga tao naman na may trabaho, huwag nyong hayaan na inaabuso kayo o hindi nyo magamit ang karapatan nyo. Hindi ba mas masarap gumising sa umaga na eksayted kang pumasok at magtrabo sa opisina. Hindi yung kadidilat mo pa lang ay naiinis ka na dahil simula na naman ng kalbaryo mo at pasakit sa buhay.

Kasanayan sa pamilya : Huwag mo sanayin na malayo ang loob mo sa kanila, at huwag mo hayaan na lumala pa ito at tumagal pa. May mga istorya rin na may kinakawawa sa pamilya, hindi dapat gumanti bagkus ipakita mo na dapat ikaw ay ipagmalaki. Huwag mong hintayin na ikaw ang lapitan, ilapit mo ang iyong sarili at subukang maayos yan. Meron nakapagsabi sa akin noon " walang mawawala kung ikaw ang magpapakumbababa, bagkus ikaw ay matuwa dahil ikaw ay mas pinagpala "

Paniniwala : Lumaki tayo na may sarili ng paniniwala, ngunit hindi naman ibig sabihin nito ay kailangan sundin kahit ito ay hindi tama. Halimbawa ng paniniwala ay ang relihiyon na kinalakhan, na simula't sapul ay lagi nating gabay at patnubay. Nang ako ay tumanda at nagkaisip saka ko natuklasan na mali ang aking kinalakhan. Kaya pilit ko pang inaalam kung ano ang tunay, upang maitama ko ang mali at hindi ako masanay.

Kasama : Huwag mong sanayin na iniisahan ka, dahil may mga tao na garapal talaga. Matuto ka sumagot kung kinakailangan, ipagtanggol mo ang sarili kung ikaw ay may katwiran. Huwag din naman yung nadyan lang sila kapag masaya ngunit kapag lungkot at pighati, isa-isang nawawala. Matuto tayo humindi sa kasama lalo na kung mapapahamak na.

Kakilala : Huwag sanayin na lagi sila pinapautang, dahil lagi na sila sayo nakaabang. Huwag di namana lahat ay pwede nilang gawin, dahil isang araw ikaw ay kanilang susuwagin.

At higit sa lahat ang nadarama : matuto tayo sundin ang pakiramdam, minsan kasi nagbababala na ito ngunit di ka nakikinig kaya hindi mo alam. Natural lang masaktan ang tao, ngunit hindi sanayin sa sakit na dala nito. okey lang masaktan ng minsan, ngunit huwag gawing libangan. May nakapagsabi sa akin "okey lang, sanay naman ako masaktan "ngunit ito po ang aking tugon sa isang yaon, "siguro para sa iyo ay okey lang na ikaw ay masaktan, pero paano naman kami na mga taong na nagmamahal syo? mas masakit makita na ang taong mahal mo at halaga ay ibinabasura lang pala ng iba.

Kaya huwag mong sanayin ang utak at puso mo sa mga bagay na walang katuturan at nakakasakit syo, ang salitang yan ay ginagamit upang ipagbuti ang isang bagay at hindi upang ito ay palalain ng tuluyan.

Sabado, Marso 24, 2012

SA PAGLIPAS NG PANAHON

Maraming bagay sa mundo ay kumukupas, tulad ng ating kapaligiran na noon ay ubod ng yaman. Alam ba ninyo kung ano ang itsura nito, ikinuwento ba sa inyo ng inyong lola at lolo? Napakayaman ng ating kalikasan, noon ay hindi mo mabibilang sa daliri ang mga hitik na puno sa kapaligiran. Doon sila nagpapahinga at sumisilong kasabay ng mga pangarap na binuo nila noon. Ngayon mga gusali ng naglalakihan ang hindi ko mabilang, wala na akong matanaw na mga puno sa aking kinatatayuan. 
Dati rati makikita mula sa kalsada, mga hayop, karwahe, bukirin at kalesa. Ngunit ngayon ay ibang-ibang na, madami na kasing makabago ang naimbento nila. Tulad na lang ng sa transportasyon, sari-saring sasakyan ang sa  iyong mga mata ay bubungad. Iba't ibang gamit, laki, hugis at kulay, meron nga lang ibinubungang usok na mabaho at makapal.
Noon napakalinis ng ating mga dagat, ilog at batis, kaya mong inumin ang tubig mula rito kapag ikaw ay nauhaw ng labis. Naparaming iba't-ibang klase ng isda, kaya nga kilala rin tayo sa pangingisda maliban sa pagsasaka. Ngayon napakabaho at rumi ng ating mga likas na yamang tubig, puro basura, kemikal, minsan bangkay ang iyong makikita. Hindi kasi iningatan ng mga lumipas na generasyon, kaya naman wala ng masisilayan ang mga susunod sa tao sa mundo ngayon.
Alam pa ba ng mga kabataan ngayon, kung anong klaseng kultura tayo meron. Likas na makulay ang kultura nating mga Pilipino, na pinilit ituro at isalin sa atin ng ating mga ninuno. Ngunit sa dami ng mga pagbabago at uso, mas ginugusto ng karamihan ang mga kanta at sayaw na pang kanto. Nakakita ka ng ba ng matanda o sinaunang kasuotan, at alam mo ba kung ano ang ipinangalan. Baro't Saya ang itiniwag nila rito, makukulay ito gawa ng mga ibinurdang disenyo. Hanggang sakong ang haba nito, tinernohan pa ng Camisa na maluwang na yari naman sa jusi, pinya o abaca. Ngayon sa makabagong panahon, mga maikling palda, syorts, at tsub na nakakasilaw sa mata ang iyong makikita. Tapos magtataka sila bakit maraming nakikitang mga napagsamantahan, pinaslang, at itinapon sa kalsada.
Ito na ang huling hirit ko para sa aking istorya, kung paano pahalagahan ni lolo noong araw ang pag-ibig ni lola. Noon bago mo makuha ang matamis nyang "OO" puro kalyo na ang kamay mo sa kakasibak ng kahoy o kasasalok ng tubig. Meron pa silang haranang tinatawag, kakantahan ni lolo si lola habang siya namaý nakadungaw sa bintana at taon ang inabot bago pa ang panunuyo ni lolo ay matapos. Iba rin ang pahalaga nila sa kasal at pag-ibig, kaya nila ialay ang sariling buhay kapalit ng buhay o kaligayahan ng kanilang minamahal.
Ngunit ngayon ay kakaiba na rin, ipapapatay ka nya kesa mapunta ka sa iba. Makasarili na ang pag-ibig ng karamihan ng tao, wala silang pakialam sa nararamdaman mo. Yung iba ay gagamitin ka pa ng todo, at iiwan ka kung wala ka ng maibigay rito. 
Sana ay maibalik natin ang ating noon, iyon kasi ang ating natural at kunserbatibong panahon. Hindi man natin kaya ibalik ang pananamit o kalikasan, ngunit sana kahit sa pag-ibig at pagpapahalaga lang, maibahagi at maipamana natin sa kabataan, dahil sila ang ating pag-asa at kinabukasan ng ating bayan.


Biyernes, Marso 23, 2012

ANG BAGO KONG PAMANGKIN

May nadagdag na naman sa aming angkan, at Faith ang ibinigay sa kanyang palayaw. Siya ay kapatid ng bida sa dati kong istorya, naaalala nyo pa ba ang titolo nito ay Äng una kong pamangkin" di ba. Para silang pinagbiyak na plato, dahil magkamukang magkamuka ang dalawang ito. Ngayon ay apat na silang "Sofia", wala na yatang maisip na ibang pangalan ang aking Mama.

Ipinanganak sya noong ika-20 araw ng Disyembre, at saktong alas 4:55 ng umaga. Grabe ang saya ng lahat ng lumabas na ang inaabangan naming bagong membro ng pamilya. Pinagbigyan talaga ang kanilang hiling, na sana manganak na si Wea na nadito pa sa Pinas at buo ang kaniyang pamilya. Nakita tuloy ni Pj ang kanyang bunso at aliw na aliw naman si Iyah sa kapatid nyang mas maganda sa kanya....hahahaha joke.

Ngunit hindi nagtagal ang saya ng pamilya, dahil napalitan agad iyon ng lungkot, takot at kaba. Kailangan na kasing umuwi ng Singapore ang mag-ama, at maiiwan si Wea at ang bagong silang nya. Bago pa lumisan si Kuya at si Iyah, napagpasyahan nilang magpabinyag at sa Angono ito naganap. Napakasaya ng araw na iyon, ako naman ay pagod sa sobrang kaluluto ko maghapon.

At dumating na ang itinakda, ang mag-ama ay kailangan ng lumisan. Napaiyak na lang si Iyah dahil mamimiss nya ang kanyang kapatid at Inang maiiwan. Internet at telepono ang kanilang naging komunikasyon iyon ang naisip nilang pinakamagandang solusyon. Ngunit hindi kinaya ni kuya ang pananabik, pagkaraan ng tatlong buwan silang mag-ama ay nagbalik. 

Sinusundo na nila ang mag-ina, malulungkot ng sobra nito si Mama. Napalapit na kasi ito sa kanya ng sobra, ang bagong membro ng aming pamilya. Kahit ako ay nalungkot, wala na kasi akong kinukurot. Wala na ang batang mataba, na ang braso ay kasing laki ng hita. Wala ng matatakot sa akin, dahil wala na ang bago kong pamangkin.

ANG AKALA

Minsan iniisip natin tanga ang ibang tao, akala mo ganon sya dahil hindi kayo pareho. Hindi pagiging tanga ang pagiging tahimik, ayaw lang nya magsalita ng hindi tama kaya sya ay walang imik. Huwag mo rin iisipin na wala syang pakiramdam, ang hindi mo alam ayaw ka lang nyang masaktan. Ayaw nya magsalita baka ikaw ay mainsulto, dahil isasampal nya sa mukha mo ang malahayop na ugali mo.

Sabi ng matatanda mas nakakatakot ang tahimik, dahil hindi mo alam kung pinapatay ka na sa kanyang isip. Kaya huwag magpakampante na tahimik ang iyong katabi, nag-iipon lang iyan ng galit at kapag sumabog ay malupit. Ang galit nila ay kakaiba, dahil sa puntong iyon ay wala na silang nadarama. Kaya mag-isip na at magtanong ka kung ok pa.

Ang pagiging matiisin o martir ay hindi rin pagiging tanga, hindi lang masukat ang labis na pagmamahal nya. Tanggap nya ang buo mong pagkatao, kahit alam naman natin na ikaw ay gago. Sana maisip mo kahit papaano may natitira ka pa palang kakampi sa mundo. Kaya huwag mong isipin na may mga tanga, pinili lang nya maging tanga upang ikaw ay lumigaya.

Lunes, Marso 19, 2012

ANG HAPDI AT LIGAYA NG PAG-IBIG

Hindi ba maaari na kapag ang tao ay umibig ay hindi tayo masasaktan? Bakit pa nagmahal kung may panahon at pagkakataon na ang tao pala ay luluha at masasaktan? Kaawa-awa naman ang mga nilalang na kung magmahal ay tapat, lalo na kung ang nakilala ay mga taong huwad o walang pakialam. Hindi nila isinasaalang-alang ang damdamin ng iba, bagkus mangangatwiran pa na wala naman silang ginagawang masama at kakaiba.

Totoo naman siguro na walang ginagawang masama at kakaiba, ngunit sana maisip natin na sila ay nagmamahal at natural na mag-aalala. Hindi naman siguro kalabisan na matuto tayo magparamdam, lalo na kung ang ginagawa ay labis na sa ipinagpaalam. Dyan nagsisimula ang hindi pagkakaintindihan at lalo pa itong lalala kung hindi pag-uusapan. 

Matuto irespeto ang katipan, upang isa't-isa ay inyong maunawaan. Huwag maghanap ng mga bagay na hindi kayang ibigay ng isa, dahil kakalabasan nito ay magkakagusto ka sa iba. Kaya may mga relasyon na may pangatlong partido dahil hinahap sa iba ang wala sa taong mahal nya. Iyan ang isang bagay na huwag gagawin, tumingin muna sa salamin ng matauhan na ikaw ay may pagkukulang din.

At huwag isipin na ito ay lumilipas o magbabago ng kusa dahil sadyang may mga taong manhid at hindi nakakapag-isip. Kapag ang isang bagay ay hindi napag-usapan, ang ibig sabihin nito ay itinago lang at may posibilidad na maungkat at pag-awayan. Iyan ang dahilan bakit akala mo ay paulit-ulit lang ang usapan ngunit lingid sa kaalaman ay hindi naman pala nasulosyunan.

 At ito ang importanteng tandaan, ang diskusyunan at away ay pagsubok lang. Sinusukat lang nito ang tatag ng pagmamahalan ng dalawang nilalang, at kung kayang tanggapin ng buo ang kanilang katauhan. Kapag itong mga bagay na ito ay nalampasan, iyan ang masasabi ko na pag-ibig na totoo at walang hanggan.

Sabado, Marso 17, 2012

PINAGSAMAHAN

Lahat tayo may kanya kanyang istorya, mapapamilya, kasintahan,kaibigan o pwede rin na sa simple kakilala. Kapag may isang bagay na kayong ginawa at pareho kayong nasiyahan at nakinabang, dyan na magsisimula ang tinatawag nilang "pinagsamahan". Iyan ang pundasyon ng kahit anong klaseng relasyon at karaniwan iyan din ang rason bakit hindi natin maiwan ang dapat ay noon pa natin itinapon.

Dito mo masusukat ang halaga ng isa't isa, hindi kayang tikisin ng totoong nagmamahal ang taong mahal nya o importante sa kanya. Doon mo minsan malalaman kung sino ang totoo, kasi kadalasan sila ang sumusuko, lalapit sa iyo at nagsusumamo. At sa eksena na yan mo rin malalaman kung ang dalawang tao ay talaga bang nagmamahalan, dahil hindi rin kaya tikisin ng nagmamahal ang mahal nya na nahihirapan at nasasaktan.

At sa magkakaibigan o katipan iba rin ang kanilang samahan, hindi importante kung matagal o sandali lang ang pinagsamahan hindi iyon ang sukatan upang masabi na madali itong kalimutan. Basta tinrato ka ng maayos, hindi ka ginulangan at bagkus ay iyong natulungan at nadamayan. Huwag tayo basta basta papadala sa sabi-sabi ng iba, matuto harapin ang isa't isa upang tampuhan ay maiwasan.

Pagdating naman sa pamilya ito ay sadyang kakaiba, kahit anong mangyari sila lagi ay mananatiling iyong kakampi. At pansinin mo kahit anong problema ang sa inyo ay namamagitan, kapag ibang tao na ang nanakit sa iyong kapamilya makakalimutan mo na kayong dalawa ay may alitan. Dyan mo makikita ang totoong samahan at pagmamahalan, kapag dating sa kagipitan bumabalik ang inyong samahan.

Naisulat ko ang isang ito, dahil sa tuwa ko na buo pa rin ang aming grupo. Madami kaming pinagdaan, mga tampuhan at isyung walang katapusan. May mga tao pa sa paligid na pilit kami ay pinaggalit-galit, gumawa pa ng mga mapanirang istorya buti na lang walang naniwala sa kanila. kilala na kasi namin ang isa't isa at lalo na ang karakas ng mga tao na akala ay kaya kaming gawing tanga. Pasensya na lang at likas kaming matalino hindi tulad nyo na matanda na pero hanggang ngayon ay bobo. Thank you!.

Linggo, Marso 11, 2012

KWATOG

Si Kwatog ay ang aking kapatid, iyan ang bansag sa kanya simula nung kami ay bata pa. Para siyang may sakit sa balikat, dahil ito ay tila may sariling utak na lagi nagpoforward. Galit na galit sya tuwing sya ay aasarin, sinusumbong nya ko kapag sya'y napikon sa akin.

Siya ang halimbawa ng batang masunurin, hindi siya pala sagot at malayo rin siya lagi sa gusot. Hindi ko pa sya nakitang makipag-away kung sabagay wala naman syang kaaway. Lapitin sya ng babae, mga babaeng di mapakali. Pero wala naman sya lagi masabi dahil ang lalaking ito ay isang torpe.

Naging membro sya ng banda, wow sosyal pakinggan di ba. Sya ang bokalista nila at mga rnb/pop ang mga kantang tinitira nila. Lagi sila may gig, sa malate, qc at makati. Ngunit kahit kelan wala naman syang diniskartehan kundi ang hipag kong si wea lang. At doon nagsimula ang kanilang istorya na nung una ang magulo pa.

Pero ngayon tignan nyo na silang mag-asawa, yan ang halimbawa ng meant to be ika nga. Sila ngayon ay nasa Singapore na, biniyayaan pa ng dalawang supling na babae. Kung sinusubaybayan nyo ang aking pahina, malalaman nyo na sya yung nasa isa ko pang istorya....sya ang bida sa sulat kong " and una kong pamangkin ".

Ngayon ako naniniwala na kahit anong gulo ay maaayos kapag si Lord ang gabay at humingi ka ng tulong. Nasaksihan ko yan, ako mismo ang nakakita. Ipinagmamalaki ko ang aking kapatid, dahil kahit anong nangyari sa Panginoon sya kumapit.

Biyernes, Marso 2, 2012

SI ESTONG

Si Estong ang pinsan ko sa kapatid ni mama, sya ang bunsong anak nila Ate Neneng at kuya Naneng. Malapit kami sa isa't-isa dahil isa sya sa aming kasama sa pagsusugal ng baraha. Naglalaro rin kami ng patentero at aabot sa dulo ng aming kalye ang pila nito. Halos sa lahat ng aming katarantaduhan nung bata sya ay aming kasama dahil sa kanilang magkakapatid sya lang ang aming kaedad.

Kilala kami sa kalye trese, yan ang bansag ng aming kalye. Hindi ko alam kung saan ito hango dahil ang orihinal na panagalan nito ay 2nd street. Mabait sya at malambing ngunit may pagkapikon din. Lagi kami nahahati sa dalawang grupo kapag kami ay nagkakagulo. Ngunit pansinin mo kahit kelan hindi tumagal ang aming mga alitan. Kapag may tampuhan ang aming mga magulang hindi namin ugali ang makialam. Iyan siguro ang sekreto bakit hanggang ngayon kaming lahat ay walang iwanan.

Ngunit may mga bagay sa mundo na hindi pangmatagalan, may dumating na sakuna na hindi namin nakayanan. Nagkayayaan ang magkakabarkada, magswimming sa Quezon dahil noon ay bakasyon. Sya ay sumama, dahil may kasama naman syang matandang kapatid nya. Nagluluto ng pagkain sila kuya Nomer, si Estong naman at ang iba ay naisipang maligo.

Hindi ko na ikukwento kung ano mismo ang mga nangyari, ayokong balikan ang mga alaala na hindi naman magaganda. Iyon ang dahilan bakit hindi na namin sya kasama ngayon, sinundo na kasi sya ng ating Panginoon. Ngunit wala kaming magagawa kung iyon ang sa kanya ay nakatadhana. Marami naman sya iniwang magagandang alaala. Mga bagay na kahit kailan ay hindi malilimutan, bagkus ito ay lagi pa namin napaghuhuntahan.

Darating ang araw tayo rin ay magkikitang muli, salamat sa mga pinagsamahan. Hinding hindi ka namin makakalimutan at Maligayang kaarawan syo aking pinsan.

Huwebes, Marso 1, 2012

SI TATANG....

Ngayon ay kanyang kaarawan, at ito ang handog ko sa kanya at sana ay kanyang magustuhan. Hindi man namin sya kasama ngayon, alam naman namin na nasa piling na sya ng ating Panginoon. Naaalala pa kaya nya? ang walis tingting na dati ay lagi nyang dala, ang nagbubukud tangi nyang sandata na takot naman ang sa amin ay dala.

Dyan lang kami natatakot at sumusunod, sa nipis ng tingting ang sakit naman nito ay labis ang hapdi sa amin ay dulot. Dyan lang kami nagtanda, at natutong sumunod sa nakakatanda. Ngunit ngayon ay amin ng tinatawanan, dahil naaalala namin ang ating habulan. 

Hindi ako gaano makapagkwento, dahil siguro hindi naman ako malapit kay tatang. Piling pili lang ang aking mga alala, tila ako ay nagkaroon ng amnesia. Minsan masakit ang aking ngipin, umiiyak ako ng walang tigil. Ipinatawag nya ako at pinaupo sa iyong kanyang tabi, tinanong kung anong ngipin ang masakit. Nagulat ako ng hilutin nya ang aking kamay, sa pagitan ng hinlalaki ko at hintuturo. 

Laking pasasalamat ko ng unti-unting nawawala ang pananakit, hilot lang pala ang katapat ng ngipin kong masakit. At ito ang hinding hindi ko makakalimutan, ang araw na pumunta kami sa Enchanted Kingdom. Halos lahat ng magpipinsan ay naroon, balak namin magsaya buong maghapon.

Ngunit hindi pa kami nakakasakay ay kinailangan na namin umuwi, dahil may hindi magandang balita ang sa amin ay itinawag. Iniwan mo na raw kami, at lahat ay nabigla, habang kami ay pauwi halos walang nagsasalita.
Simula noon ay hindi na kami bumalik pa sa lugar na iyon, dahil sa hindi magandang alaala na kibit niyon.

Salamat sa mga alaala, hanggang ngayon minsan ikaw pa rin ang bida sa aming mga istorya. We love you Tatang and happy birthday syo.......