Lunes, Oktubre 31, 2011

BAGONG KAKILALA

Nasa Resto Edomar ako omoorder ng hapunan, ng aking mapuna ang pinsan kong matagal ko ng hindi nakita. Sya si Virtus ang aking paborito, dahil sa lahat ng pinsan ko sya lang ang nakakaalam ng totoo kong pagkatao. Meron pala syang kasama, ang dalawa nyang kabarkada. Niyaya nila ako sa taas at doon raw kami ay magkwentuhan. Pinaunlakan ko ang kanyang paanyaya, dahil gusto ko rin makilala ang kanyang mga kasama.

Naghuhuntahan sila ng aking maalala, meron akong itatanong na ikinuwento sa akin ng aking tropa. Tinanong ko, "meron ka ba kakilala sa san vicente nakatira at ang pangalan at ay tila kakaiba". Unang pangalan palang sya ay tumama na kaya ang aking nasabi " yun nga, yun nga". Hindi ko maintindihan bakit sila naghalakhakan, bigla sinabi ni Tuz "heto sya nasa aking tabi lang".

Nakakahiya hindi ako makapagsalita, sabay nagtanong ako sa kanyang kaibigan, "Eh may kakilala ka bang "toinks" na nakatira naman sa "pulotoinks". Hindi ko maintindihan ako ba ay napagkakaisahan, dahil lalo sila nagtawanan at ako naman ay parang gusto ng mahulog sa kinauupuan. Sa gitna ng kanyang pagtawa bigla nya itinugon "yang katabi mo ay kapatid ni toinks na tinutukoy mo".

Nakakahiya wala ako magawa, puro sablay yata ang aking pinaggagagawa. Pero ok lang, sila naman ay tuwang tuwa dahil sa mga tanong ko na pabigla-bigla. Sa wakas kilala ko na sila, ang mga taong bida lagi sa kanyang istorya. Masaya ako at nakilala ko kayo, mabait, makulit at higit sa lahat kabarkada pa ng pinsan ko. Ang liit talaga ng mundo, hindi ko inaasahan na sa ganito tayong okasyon magkakakinlanlan.

Ngayon ako ay kampante na at kuntento, kasi kilala ko na kung sino ang mga nakakasama mo. Nabawasan na ang mga tanong sa aking isipan, isa dun ay iyo ng natugunan. Salamat sa aking mga bagong kakilala, masarap pala kayong kasama. Sana masundan pa, at tayo rin ay maging magkakabarkada.


Biyernes, Oktubre 28, 2011

NEGOSYO

Lahat ng tao pangarap ang magkaroon ng negosyo, umaasa na dito sila aasenso. Ang hindi nila alam ang hirap na iyong pagdaraanan, kung mahina ang loob mo sa sugal eh huwag mo ng subukan. Sa negosyo kailangan ang tyaga, dahil matagal bumalik dito ang kita. Walang legal na negosyo na basta na lang umasenso, ang mga unang buwan dito ay talagang paghihirapan mo.

Kailangan ang negosyo na iyong papasukin ay bagay na alam mo at iyong kabisado, hindi pwede na basta ka lang susunod kung ano ang uso dahil wala dito ang puso mo. Ang negosyo ay para rin trabaho kung hindi mo mamahalin ay mawawala din. Hindi dapat iasa lahat sa tauhan, dapat may sarili kang panahon at oras at kailangan ay sapat.
.
Isa pang importante sa pagnenegosyo ay ang marunong ka humawak at makisama sa tao. Sila ang katulong mo sa pagpapalago ng ipinundar mo kaya naman dapat pakisamahan mo rin ng tapat. Ituring mo silang iyong kapamilya, para ituring nila ang negosyo mo na parang sa kanila. Pagbubutihin nila ang pagtatrabaho kapalit ng tiwala na ibinigay mo.

Marunong ka dapat humawak ng pera at hindi yung wawaldasin agad ang kita. Matuto ka paikutin ito at mag-isip ka pa ng bago. Dyan lumalago ang negosyo sa pagkakaroon ng diskarte, isipin mo na ikaw ang kliyente upang malaman mo ang gusto nilang mangyari. Babalik-balikan nila ang iyong negosyo dahil sa magandang serbisyong ibinigay mo.

Kailangan ay sipag, hindi ka pwedeng tatamad-tamad. Dahil sa iyo magsisimula at gagayahin ka ng nasa baba. Kaya ikaw mag-isip isip ka, lahat ba ng katangian na yan ay meron ka? Bago ka pumasok sa negosyo, tuklasin mo muna kung ikaw ay seryoso.

Huwebes, Oktubre 27, 2011

HINDI KA KAWALAN....BITTER KA LANG

Nakakatawang isipin ang balitang gumulantang sa akin, ang kasakasama namin noon ay hindi na pala namin kaibigan ngayon. Ano ang dahilan bakit kailangan mo iblock ang karamihan, akala ko ba matapang ka bakit hindi mo na lang sinabi di ba. 

Kunsabay karakas mo ay basa na, noon pa namin nakita. Kaya nga kami iwas syo dahil isa kang hunyango. Kunwari ka pa mahinhin kapag nagsalita ka sa amin ngunit ng magkacrush ka na harapharapan ka naman kumerengkeng.

May naalala akong eksena, nung nagrereklamo dahil sa pera aba kapag pala sa crush mo na wala ka naman pakundangan gumastos hija. Hay ewan ko sa iyo laki ng sepak takraw mo sa ulo, macheck up ka kaya sa albularyo tawas lang katapat mo.

i love you F.E.S ........ ID lace comin soon....


Martes, Oktubre 25, 2011

RELIHIYON, ITO ANG AKING OPINION

Nagbalik tanaw ako noong panahon na papalit palit ako ng relihiyon, may pilit akong hinahanap mga tanong na wala pa ring tugon. Lihitimong Katoliko ang aming pamilya, yung tuwing linggo nagsisimba, araw araw nagrorosaryo at nagnonovena. Naging active na membro din ako noon ng Legion of Mary at Youth for Christ.

Nung ako ay nagdalaga na meron akong nakilala, isang lalake membro sya ng Iglesia. Hindi nagtagal kaming dalawa ay naging magkasintahan, hindi ko alam na kailangan pala ako magpalit ng relihiyon at mababago ang aking kinagisnan. Madami naman akong natutunan sa Doktrina nila kung tawagin, ito yung panahon na ituturo nila syo ang salita sa Biblia bago ka mabaptismuhan at tuluyan ng maging Iglesia.

Sa mura kong isip nakumbinsi agad ako na sila ang tunay at mali ang kinalakihan ko, lalo na sa parte ng mga rebulto kung saan ang katoliko ay marami nito sa simbahan na aming laging pinupuntahan. Maganda naman sa Iglesia, magkahiwalay ang babae at lalake upang ang isip mo ay nakatuon lang sa samba at sa sinasabi ng pastor. Meron din silang tamang oras, at sinasara ang gate kapag magsisimula na upang maiwasan ang mga simbang labas na meron ang Katoliko at wala naman sa Iglesia.

Masipag ako sumamba kahit sabihin mo pang dalawang beses ito sa isang linggo at mas mahaba ito kumpara sa Katoliko, nawalan lang ako ng gana ng may mga nakasabay akong tila hindi seryoso sa ginagawa nilang pagsamba at walang pumupuna sa mga taong ito kahit ang mga Jakono at Jakonesang lagi nasa dulo ng aming mga pwesto. Lalo na tuwing aking maririnig na Iglesia lang ang maliligtas nakakairita di ba, lalo na kung iisipin ko na ako lang ang Iglesia at paano naman ang aking pamilya.

Noong panahon na iyon ang kapatid kong lalake na sumunod sa akin ay Kristyan naman, lagi nya akong kinukulit na subukan dumalo sa kanilang church na sa tagalog ay simbahan. Isang araw sya ay aking pinagbigyan, nagulat ako dahil kakaiba rin ang isang ito. Dito tila nanonood ka lang ng konsyerto, masaya lahat ng tao, tumatahimik lang ang lahat kapag nangangaral na ang pastor dahil mag eenjoy kang talaga sa way nila na kwela. Ngunit isang beses lang ako dumalo, siguro ay dahil hindi pa ako kumbinsido.

Naisulat ko ang isang ito pagkatapos ko makapulot ng isang flyers ng Dating Daan, nag-iisip kasi ako noon kung ano kaya ang pwede kong maisulat maliban sa usapang pampuso na naman. Naalala ko tuloy ng minsan ako ay nanonood ng telebisyon, napunta ako sa channel na kung saan nakapanood ako nung porsyon ng Iglesia ni Kristo. Nangangaral sila ng nakasulat sa Biblia, oh ang ganda di ba sosyal nakatv pa.

 Ang hindi ko lang nagustuhan ng bigla may ipinalabas sila na poryson naman ng Dating Daan, nangangaral si Eli Soriano tapos babatikusin naman ng pastor ng Iglesia ni Kristo. Dito ko na ngayon ipapasok ang aking opinion, Noong panahon ni Jesus meron ba syang siniraan o pinamuka ba nya sa iba na sya ang tunay at ang karamihan ay peke. Hindi ba nangaral lang sya basta ng salita ng kanyang Ama at hinayaan nya ang tao ang humusga sa kanya.

Hindi nyo kailangan magtirahan sa telebisyon mapatunayan lang na kayo ang totoo, ibahagi mo lang ang iyong natutunan at pinaniniwalaang totoo. Pabayaan mo ang mga nakikinig syo ang magkusa at hindi yung nakumbinsi sila dahil sa paninira. Kahit ano pa ang iyong relihiyon, iisa lang ang iyong Panginoon. Hindi ka maliligtas dahil sa relihiyon na meron ka kundi kung paano mo ginamit ang buhay na pinahiram nya.

Irespeto na lang natin kung ano ang relihiyon ng bawat isa, at tigilan na ang pagbabatikus sa iba. Meron sinabi sa akin ang aking Ina, aanhin mo ang pagsimba at pagpunta sa mga church kung ang puso mo naman ay wala sa kanya. Kahit hindi ka pumunta sa simbahan basta may oras ka na sa kanya ay nakalaan, maririnig nya ang iyong hiling at mga panalangin at ikaw ay kanyang didinggin.




Lunes, Oktubre 24, 2011

REGALO...

Lahat ng tao mahilig sa regalo, lalo na kung ikaw ang tatanggap nito. Tuwing kailan ba tayo nakakakuha nito, birthday, monthsary, anniversary, valentines, at pasko. Sino naman ang mga taong pinagbibigyan natin, di ba yung malalapit lang at special sa atin. Minsan naman tayo ay nag-aambagan kung meron tayong kaibigan na namamaalam, bilang remembrance ng ating samahan bibigyan natin sya ng bagay na hindi nya makakalimutan.

Meron pa lang isang sitwasyon kung saan nakakatanggap tayo ng walang okasyon, yun ay kung may manliligaw ka o nililigawan isang taong iyong nagugustuhan o napupusuan. Pero may limitasyon ba ang pagbibigay nito? Hanggang magkano ang wawaldasin mo? Siguro ay kung hindi mo pera ang ginagasta mo at pinaghirapan ito ng ibang tao.

May kanya kanyang level din sa pagreregalo, malalaman mo kung gaano ka kaespesyal sa isang tao. Magbigay tayo ng halimbawa upang iyong maunawa ang mga binibitwan kong salita. Kunwari sa isang barkada hindi ba dapat pantay pantay lang sila pero kapag nagregalo ka sa isa ng kakaiba ibig sabihin meron kang ibang nadarama.  Kaya mag ingat ingat ka sa mga mata dahil madami pala ang nagmamasid sa kanila, damang dama nila ang kakaibang damdamin na meron ka para sa isang taong yun di ba.

Utang na loob mag-isip ka, dahil nagmumuka ka ng tanga hija. Pinagbubulungan ka ng iba sa kinikilos mong nakakaloka. Pero ok lang yan, wala akong pakialam lalo na kung ako rin ay nakikinabang.

I thank you.....i love you philippines....CHOS!

Sabado, Oktubre 22, 2011

IPAGMALAKI

Kailan mo ba ipadarama na proud ka sa iyong kasama, bakit tila neminsan ay hindi mo sya naipakilala. Ano ba ang kailangan para maipagmalaki mo ang isang tao, hindi pa ba sapat ang minahal ka nya ng totoo. Hindi ba inaasikaso nya ang lahat ng iyong kailangan, upang sa buhay mo ay hindi ka mahirapan. Pero bakit parang kulang pa ang kanyang sakripisyo upang suklian mo ang pagmamahal nya syo.

Mukang hindi mo pa alam kung ano ang pakiramdam na ipinagmamalaki ka ng iyong kasintahan kaya hindi mo kayang gawin yan sa kanya at hindi mo kaya maipadama. Ngunit ngayon ay nadyan na sya sa iyong tabi, at damang dama mo kung paano ka nya ipagmalaki. Sana ngayon matuto ka na upang sa kanya naman ay iyong ipadama ng sya naman ang maging maligaya.

Hindi na sya mag-iisip ng kung ano ano na nagiging sanhi ng inyong pagtatalo. Matututo sya magtiwala syo dahil ngayon kilala na nya kung sino ang mga kasama mo. Mahalaga sa isang relasyon na kayong dalawa ay laging may komunikasyon, kaya lagi mo dapat alamin kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip at damdamin. Pagsasama nyo ay magiging maligaya kasi ang utak at puso nya ay tahimik at kuntento na. 

Kaya matuto tayo magbigay ng halaga sa tao, at huwag pakampante dahil mahal ka nito. Darating ang araw matatauhan yan, lalo na kung may dumating na tao na kaya syang mahalin at ingatan.

Lunes, Oktubre 17, 2011

TITANIC

Ito ay ipinalabas sa sinehan noong 1997 pa, isa yan sa magagandang pelikula na never ko pa nakita. Pinagbibidahan ito ng mga kilalang artista sa Amerika, si Kate Winslet na gumanap na si Rose DeWitt Bukater at si Leonardo DiCarpio bilang si Jack Dawson. Ako na lang yata ang natatanging nilalang na hindi pa nakita ang palabas na iyan dahil sa personal na dahilan. Hindi kasi maganda ang aking sitwasyon, nag-aaral pa ako sa U.E. noon. 

Ayon sa aking mga kaklase  maganda daw talaga ang istorya, madadala ka mga pangyayari na nagaganap sa dalawang bida. Kaya naman kaming apat at pumunta sa isetann recto, nilalakad lang kasi yun mula sa paaralan ko. Ngunit nagulat ako sa aking nakita, halos lahat ng manonood ay may kapareha. Ayoko nakakakita ng ganong eksena, lalo na yung mga naglalambingan pa. Hindi ako nakatiis, ako ay umalis. Iniwan ko ang barkada, dismayado at nagtataka. 

Buntis kasi ako noon kay Moki, ang ama naman nya ay wala sa aking tabi. Pinagbuntis ko sya mag-isa na wala akong hininging suporta, ang tumulong lang sa akin ay ang aking pamilya. Kaya galit ako makakita ng masasayang magkapareha dahil naaalala ko kung ano kami noon ng ama nya nung kami ay magkasama pa.

Kaya sabi ko sa aking sarili, panonoorin ko lang ang Titanic kapag nakita ko na ang tamang lalake. Ang taong magmamahal sa akin ng totoo at tatanggapin ang aking buong pagkatao. Ngunit kailan pa kaya iyon? Meron pa kayang kopya sa vcd o dvd kapag dumating ang panahon na iyon. Ewan ko hindi ko alam pero siguro sa akin ay ok lang.

Basta tutupad ako sa pangako ko, hindi ko panonorin ang pelikula hanggat hindi pa kita nakikita at nakikilala. 

Sabado, Oktubre 15, 2011

MEAN GIRLS KUNG TAWAGIN

Kami ay magkakabarkada, ako, si junel, roma at cheska. Iwas sa amin ang iba dahil kami ay puro totoo kung tumira. Hindi kami sanay sa banatan ng talikuran mas feel namin ang harapan. At ayaw na ayaw din namin ang bigla na lang nagkakalaglagan, yung tipong kapag kaharap ka ay kakampi mo tapos kapag harap harap na eh bigla na lang nagiging hunyango.

Madali kami kausap lalo na kung harap harap, nabubwisit lang kami sa mga duwag sa tabi tabi. Kaming apat ay iba pumorma at magsalita iisipin mo kami ay hindi makaluma ngunit ang totoo ay kabaligtaran mas kumportable lang kami sa aming kasuotan.

Si Cheska ang tipo ng ayaw ng manggagago, lalo na kapag kaibigan namin ang binanatan mo. Ayaw nya sa babaeng haliparot, yung kung umasta ay mahinhin yun pala ay mahihindutin. Hindi rin ganong kahaba ang kanyang pasensya, lalo na kung wala kami sa tabi nya.

Si Roma naman sa aming apat ang may pagkatahimik, konti lang ang gulo o pinapatulan nito. Galit sya sa babaeng manunulot o harot, lalo na kung ang nilalandi nito ay ang lalakeng kanyang napupusuan. Ayaw din nya sa mabaho ang paa, madali kasi bumaliktad ang sikmura nya. Meron kasi syang kaklase noon, aba naman naghubad ba naman ng sapatos. Ang lola mo ayun nahilo hindi nakapagpigil hinanap pa kung sino.

Si Junel naman ang aking pinsan, sya ang sa amin ang pinakatalento. Daig kami nito sa aspeto ng pagdedesinyo sa aming apat sya ang babaeng totoo. Hindi mo sya kailangan utusan, tatrabahuhin nya yan ng hindi mo alam at magugulat ka na lang dahil tapos na ang dapat na simulan.

Rude naman ang aking pangalan, bagay daw sa ugali ko yan. Diretso kasi ako magsalita, sabi nga nila wala akong pakundangan. Nagsasabi lang naman ng totoo, ano gusto mo ikaw ay bolahin ko. Lahat yata ng aking tanungin ang sinasabi nila ay hindi ako mukang malambing, pero sa totoo lang mabait naman po ako kung inyo lang aalamin at lalapit sa akin hindi yung mag-aalinlangan na lumapit dahil sa mata kong masungit.

Kaming apat ay may pinagkaparepareho, totoo kami sa aming sarili at deadma kami sa sasabihin nyo. Marunong kaming makisama kung dapat kang pakisamahan. Ayaw naming lahat ang mapagpanggap, akala mo kung sinong matino nasa loob naman pala ang kulo. At least kaming apat ay totoo sa sarili hindi namin kailangan magkubli. Wala nga siguro kayong gulong kinasasangkutan ngunit mga kilos nyo naman ay hindi rin kagandahan.

Kaya pwede ba sa amin ay tigilan na ang pamumuna, nananahimik kami di ba. Sadyang di ka lang namin gusto  dahil sa ugali mong maypagkahunyango.

KASAL

Sabi ng ninuno natin ito ay bagay na sagrado, di kayo pwedeng magsama ng wala ang kapirasong papel na ito. Ito ang nagbubuklod sa dalawang nilalang, dalawang tao na pinagsama ng simbahan. Dapat raw sa hirap at ginhawa ang dalawang ito ay laging magkasama, walang sinumang ang pwedeng mamagitan kundi si kamatayan lamang. At kailangan nyong gawin yan bago nyo pakialam ang katawan ng kahit kaninong nilalang.

Iyan ay mga bagay na ating kinalakihan, itinuro sa atin ng ating mga magulang. Ngunit ang puso ay sadyang mapanukso, hindi mo kakayaning pigilan kapag ito na nag udyo. Kaya ang panahon ngayon ay kakaiba na, madami na ang nagsasama ng walang kasal kasal di ba. Hindi na kayang sakluban ng magulang ang desisyon ng ating kabataan.

Kung ako ang tatanungin, hindi na ako naniniwala dyan. Saksi ako sa dami ng pamilya na ngayon ay masaya naman at samasama kahit hindi kasal ang kanilang mga magulang. Isa rin ang aking storya ng buhay sa dami ng bilang ng sirang pamilya, oo kinasal sila pero sa hiwalay din natapos di ba. Hindi na rin ako naniniwala sa tagal  at ikli ng pinagsamahan, madami kasing magkasintahan taon na ang binilang ngunit ending up ay hiwalayan.

Siguro nga maipagmamalaki mo kapag kinasal ka sa isang tao, ngunit ano kaya ang press release mo kapag iniwan ka na nito. Pareho lang naman nasasaktan ang kasal at di kasal, pareho lang naman din ang saya na kanilang madarama. Bakit natin kailangan pagbasehan ang kapirasong papel na nasusunog lang, di ba mas importante ay ang pagmamahalan na sa inyo ay namamagitan.

Lalabas lang ang totoong pagkatao ng isang nilalang kapag kayo ay magkasama na sa iisang tahanan. At doon mo matutuklasan kung kakayanin mong tanggapin ang bulok na pagkatao ng kung sino mang kinakasama mo. Kaya mas pabor ako sa live in muna ng magkakinlanlanan ang dalawang nilalang ng hindi sa huli ay magsisisi ka rin lang.

At huwag natin husgahan ang mga taong ganyan, baka kasi isang araw ganyan din ang iyong kakalabasan. Pakialaman mo ang sarili mong pamilya at huwag ang istorya ng iba. Malay mo mas masaya pa pala sila kesa sa kasal na pinasok mo di ba.



Lunes, Oktubre 10, 2011

WAGAS

Ang dami ng tao sa mundo na ang hinihiling ay pagmamahal na totoo, ngunit napakahirap makamit dahil yan ang isang bagay na hindi mapipilit. Kahit anong gawin mo, ibigay mo man ang buong mundo kulang pa rin yan dahil wala naman syang nararamdaman. Swerte nya syo dahil kung magmahal ka ay totoo, malas mo nga lang dahil hindi nya kayang suklian o tapatan.

Kadalasan nangyayari ay nasa huli ang pagsisisi, maiisip lang nila kung ano ang iyong halaga kapag ikaw ay wala na. Alam ko ang iniisip mo, nakakapagod magmahal ng totoo dahil sawang-sawa ka na, na lagi na lang umaasa. Minsan sinabi mo sa akin, masaya ka na basta makita mo lang syang masaya ngunit bakit ganyan ang iyong nadarama uhaw na uhaw ka maging maligaya.

Unti-unti nagbabago ang iyong nadarama, nababawasan ito at darating sa puntong wala na. Ang pag-ibig ay may buhay, kapag hindi mo inalagaan ito ay dahan-dahang mamamatay dahil ang sakit na iyong dinadala ay ang syang kikitil sa pag-ibig mong hindi mapigil at nagpupumilit.

Ngunit tao ka lang lahat ay may hangganan, kung hindi mo na kaya ay iyo ng pakawalan. Marami naman dyan, maghintay ka lamang. Ito ang aking natutunan sa dami ng aking karanasan, hindi hinahanap ang pag-ibig kusa itong darating at hindi mo kailangan pang hanapin at hintayin. Kapag ito ay hindi kusang dumating ang madadampot mo ay basura lang din.

Kaya kung ako syo, ienjoy mo lang ang buhay mo. May nakalaan para sa iyo, hintayin mo lang ang tamang panahon mo. Iwasan makipagrelasyon na taong hindi mo naman sigurado dahil malay mo dumating na yung  true love mo.

( wala naman talagang true love, ang tindi ng iyong pag-ibig sa isang tao once nasuklian ito saka mo lang nasasabi na true love na ang dumating sa iyo )

Linggo, Oktubre 9, 2011

DISKARTE

Kung titignan natin ang dating gawain masasabi ko na noon lagi lang tayong sunudsunuran sa bilin ng magulang natin. Hanggang sa pagpili ng kurso sila ang magdedesisyon, mas alam daw nila kasi kung saan ka aasenso o gaganda ang buhay mo. Ang hindi nila alam ay ang hirap na iyong pagdaraan matapos mo lang ang apat na taon sa kursong wala kang kaaalam alam o kahit interes man lang.

Ngunit buti na lang naiba na ang generasyon, mas may kalayaan na magdesisyon ang kabataan natin ngayon. Malaya sila nakakapili kung anong kurso ang kukuhain base sa interest o kung ano ang uso. Doon ka lang kasi lubos na magiging maligaya kung gusto mo talaga ang kurso na iyong kinukuha, mas madali ka matuto dahil uhaw ka pa sa kaalaman at gusto mong yumaman ang iyong isipan.

Ako sa totoo lang, ngayon ko pa lang kinukuha ang kurso na nagkainterest ako. Ang gusto ko ay maging guro at sa araw-araw ay magturo.Nakita ko kasi ang kalidad ng edukasyon na meron tayo, grabe ang pilipinas ay talong talo. Marami ng unibersidad o kolehiyo na basta kumita lang ay kuntento na sila dito, hindi nila naisip na iba saya at fulfillment na kanilang madarama kung talino, respeto, sipag at tyaga ang naituro sa bata.


Sa isang paaralan bilang lang ang guro na iyong matatandaan, kasi ang maaalala mo lang ang yung mga syo ay talagang may pakinabang. Mga guro na sumoporta at sa iyong pagkatao ay may naitulong, at hindi yung tipo na kinatakutan mo kaya naman sila ay  halos isumpa mo. Pero wala tayong magagawa upang ito pa ay itama, sakit na nila yan at mahirap ng baguhin.

Kaya sisimulan ko sa aking sarili, pipilitin kong mag-aral ng mabuti. Hindi ko gagayahin ang mali na nakagisnan bagkus babaguhin ko at pagagandahin ng umunlad naman ang bayan. Tutularan ko ang mga guro na sa akin ay may malasakit kesa sa mga guro na sa akin ay nagbigay ng pasakit. 

 Para sa mga guro na aking mga nakahalubilo na nung kabataan ko ay binigyan ko ng sakit ng ulo. Salamat sa tyaga at pang-unawa kung hindi dahil sa inyo hindi ako maitatama. ( Ma'am C, V at O at kay Sir G, A and B ) Salamat!

Huwebes, Oktubre 6, 2011

SALAMIN

Marami sa ating paligid ay taong mapanghusga at pakialamera, siguro walang salamin sa tahanan nyo kaya di mo nakikita ang sarili mo. Wala ka karapatang sabihin na ang ginawa nila ay pangit o kulang kung ikaw mismo ay wala kang ginawa upang tumulong. Puro ka salita bakit di ka kaya gumawa, di sa lahat ng pagkakataon ay lagi kang tama.

Sana maisip mo nasa iyo lahat ng kapangyarihan upang mabago ang mga kinagisnan, kaya mong itama ang mga mali at bulok na kinalakihan. May nakapagsabi sa akin, kung ano ang matanda ganon kakalabasan ng bata. Oo totoo, sya ay may punto ngunit hindi ako sang-ayon sa pahayag nyang iyon. Hindi po sa lahat ng pagkakataon na nagkakaganoon lalo na kung mga ibang mabubuting tao na nakapaligid sa bata minsan nadadala sya ng mga taong iyon.

Minsan nga kung ano ang kinalakihan pipilitin ng kabataan na baguhin ang kinagisnan, sya ay magsusumikap upang di matulad sa magulang nyang naghirap. Ito ay natutunan ko sa subject ko na psychology 1 ni Sir Anorico, huwag tayo masyado maging subjective bagkus subukan mong maging objective. Hindi mo mapipigilan ang sariling emosyon ngunit bago sana tayo magsalita at magreact subukan natin intindihin at tignan mabuti sa ibang angulo ang mga pangyayari.

Nang maiwasan natin maghinala at makasakit ng damdamin ng ating kapwa.....

MAPAGMALINIS

Siya si Rita ang dati naming kabarkada, sya ang tipo ng tao na likas na inggitera. Sa aming lahat sya ang mukang sopistikada at konserbatido dahil sa porma at kilos sya naman talaga ay ibang-iba. Nung una ko sya nakilala bumilib akong talaga, mahinhin kasi siya, tahimik at wala sya laging imik. 

Araw-araw kami ay magkakasama, kwentuhan, kainan na may malakas na halakhakan. Alam nya ang aking mga kwento dahil wala naman akong itinago rito, akala ko kasi sya ay totoo at hindi marunong manggago.
Hindi man ako nagtatanong pero di rin ako tanga upang di magtaka kung bakit ganon ang kanyang sitwasyon na parang maganda, masaya na may halong kakaiba.

Mayaman daw ang kanyang asawa, at isa itong torista kaya naman hindi ako nagtataka na kayang kaya nya makipagsabayan sa aming lahat di ba. Ngunit ako'y nagtataka dahil meron talagang kakaiba sa kanya, hindi normal ang kanyang pagkatahimik mukang may tinatago lang syang gimik.

Saan ka naman nakakita ng mayaman na nangungupahan lang, kayang kaya nya gumasta ng libo libo bakit  di kaya sya bumili na lang ng condo. Hindi lang dun natigil ang aking pagkalito dahil magulo talaga ang istorya nito, tuwing umuuwi ang torista sa hotel sila nagkikita. Kung sya ay totoong asawa, di ba diretso dapat sya sa bahay ni Rita.

At ito pa ang kanyang istilo, bibilan ka nya ng kung ano-ano upang di mo na silipin ang kanyang mga tinatagong lihim. Kawawa ka naman bumibili ka ng kaibigan, nadyan lang sila syo dahil sa mga biyayang iniaabot mo. Mag-isip isip ka lola, hanggang kelan kaya ang sustensyo syo ni torista. Huwag mong waldasin ng todo todo sa kagustuhan mong may mga sumama sa iyo.

Siniraan mo man ako at ginawan ng kung ano-anong kwento, ito pa rin ako taas noo dahil alam nila kung ano ang totoo. Muka ka lang matino dahil binigyan ka ng mukang maamo, ngunit ugali mo at pagkatao ay bulok na pilit mong itinatago. Upang maging tunay kang maging masaya, magpatotoo ka Rita. Kung sila ay tunay na kaibigan mo tatanggapin nila ang iyong buong pagkatao.

Sana naging aral sa iyo yan, na totoong kaibigan ang iyong kinalaban kaya yan ka ngayon mukang tanga kung sino sino na lang ang iyong kinakasama.

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

BITTER

Meron humiling sa akin sumulat ako tungkol sa mga bitter, ano ba ang bitter? yan ba yung pangbate ng itlog? (hahaha iba yata spelling non nagpapatawa lang po ) o baka naman yung lasa ng pagkain, o ito yung nadarama tuwing nasasaktan ka sa sitwasyon na iyong kinalalagyan at ikaw ay nasaktan.

Hindi ko alam kung normal s isang tao ang makadama ng ganito, pero pansinin nyo nakasanayan na itong sabihin ng mga taong nakapaligid sa atin. Sinasabi nila " ang bitter mo lola " pero try mo kaya syo mangyari yun ng kainin mo ang salitang iyong itinugon.

Lahat naman yata ng tao nagiging bitter, aminin man natin o hindi pero minsan ito ay iyo ng nadama di mo lang siguro napuna. Ganon naman tayong mga tao, nakikita natin ang dumi ng iba ngunit di mo napupuna ang sarili mong dungis sa mukha.

Nakakapagsalita lang tayo ng di maganda kasi yung tao na iyon ay may nagawa syo na hindi maganda. Ngunit may mga pagkakataon na di mo lang sya talaga gusto dahil meron syang ugali na kakaiba sa nakalakihan mo. Kaya po para walang gulo, manahimik na lang tayo. Ito na lang ang sasabihin ko " kung saan ka masaya, suportahan kita lola ". 

4 romadette apostadero....yan na ang wish mo....

OFW NA SI ONDOY

Ito ang kwento na hirap akong buuin, dami kasing kadikit na sakit ang istoryang ibinahagi nya sa akin. Sya si Ondoy ang aking kaibigan, nakipagsapalaran sya sa ibang bansa upang maibigay sa kanyang maybahay ang buhay na maaliwalas at masagana. Di nya alintana ang lungkot na kanyang nadarama tuwing maaalala nya na ang pamilya naman nya ay magiging masaya.

Unang alis ni Ondoy ay wala namang problema, lagi naman kasi silang may komunikasyon ng kanyang anak at asawa. Naisip nya sa una lang pala mahirap pero kapag tumagal ay makakasanayan na at di mo na mapupuna. Naka ilang balik na rin siya sa bansang kanyang pinagtatrabahuhan, at wala naman silang naging problema ng kanyang pamilya.

Si Nene ay ang kanyang maybahay, mabait, masipag, at kwela, inaasikaso nya lagi ang kanyang pamilya. Kahit magkalayo sila ni Ondoy siya ay nakasuporta sa ginagawa ng kanyang asawa, at sunod lagi sya sa bilin nito sa kanya. Napalaki nya ng maayos ang mga bata kahit di nya kapiling ang mahal nyang asawa na si Ondoy.

Natuwa ako sa kanyang istorya dahil kung ako ang tatanungin di ko yata kayang tiisin na ang mga taong mahal ko ay mawawalay sa akin. Bumilib ako sa kanya habang kinukwento nya ang kanyang istorya, di ko naman alam na may karugtong palang hindi masaya. Bigla kasi syang napatigil at huminga ng malalim, doon ko napuna na may mabigat syang dinadala.

Si Nene pala ay nagkagusto sa iba, ginagastusan nya ang lalaking kinahuhumalingan nya. Masakit kay Ondoy na ang pera na pinaghirapan nya ay di lang pala pamilya nya ang nakikinabang, pero ang mas dagok sa kanyang pagkatao na ang taong mahal nya at inaalagaan ay nagkagusto pala sa iba. Hindi raw nya napuna dahil lagi naman silang magkausap mag-asawa. Nagulat na lang sya ng may nakapagsabi sa kanya.

Hindi ko man alam ang buong detalye, ako pa rin ay may masasabe. Ang mga OFW ay nagpapakahirap magtrabaho at mawalay sa kanilang pamilya, sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay at kinabukasan ang mga mahal nila sa buhay. Huwag mong gawin dahilan na nalungkot ka kaya ka nagkainterest sa iba, naging makasarili ka lang at di inisip ang mga taong sa iyo ay nagtiwala at umasa.

Natural ang humanga at magkagusto sa ibang tao, ngunit siguraduhin mo na alam mo ang mga limitasyon mo. Kapag dumating ka sa punto na gusto mo ng magbigay ng kung ano-ano, isipin mo ang asawa mo na nagpapakahirap kumita ng pera para sa inyo. Kapag di ka na mapakali na makita ang kinahuhumalingan mo sana maisip mo na ganyan na ganyan ang pakiramdam ng asawa mo para sa iyo.

Kung mali na ang iyong kinikilos at nararamdaman, matuto ka kontrolin iyon ng di masira ang inyong samahan. Ito ang lagi nyong tatandaan, ang tiwala ay pinaghihirapan. Kapag ito ay nasira ay nawala, di mo na maibabalik ang dati nyong samahan.

At para sa iyo Ondoy alam ko nasaktan ka sa mga pangyayari, maghihilom din yan pagdating ng tamang panahon. Subukan mong sagipin ang pagsasama nyong mag-asawa, dahil iisa lang ang tinatawag nilang " PAMILYA "