Lahat naman siguro tayo naranasan na maaksidente, mapamalala man o simple. Tulad ng pagkadapa ng isang bata, ang taong nahiwa habang naghahanda ng ilulutong putahe, o pagkakauntog dahil sa tulak o dahil hindi nakita ang pinag-untugan. Lahat ito kapag iyong naranasan, mayroon kang sakit na mararamdaman. Sakit na panandalian, ngunit kung malala ay minsan natatagalan. Ngunit lahat ng ito ay nag-iiwan ng bakas, at ito ang palatandaan ng sakit at hapdi na iyong naramdaman sa iyong karanasan.
Ihahalintulad ko ang sugat sa sakit na minsan ating nararamdaman, kapag ang isang tao sa atin ay may nagawang kasalanan. Ang sakit ng kalooban ay katulad din ng sugat sa balat, may iba't ibang sanhi at lalim na iniiwan. Depende sa tagal ng panahon ng paghilom sa tindi ng sakit at lalim ng pinagsamahan.
Ang maganda lang sa sugat sa balat, ito ay naghihilom ng kusa. Hindi tulad ng sakit ng kalooban, minsan may mga taong hindi na ito makalimutan at hindi kayang maggawad ng kapatawaran. Ang iba naman ay tila hindi ka nakilala, dahil tila bigla silang nagkaroon ng amnesia.
Mayroon akong kakilala, para sa kanya ang kaibigan ay para ng kapamilya. Tiwala sya sa kanyang mga kasama, kaya buo rin ang suporta nya sa kanila. Mapaeskwela, trabaho o usapang pinansyal, hindi nya tinatanggihan, ang importante ay kanyang matulungan ang kaibigang nangangailangan.
May dumating na pagkakataon, ang taong itinuring nyang kapamilya ay bigla syang tineydor. Hindi sya makapaniwala na ito ay nagawa sa kanya, kaya naman ang taong iyon ay halos kanyang maisumpa. Kapag sya ay aking tinatanong, ang lagi lang niyang tugon "hindi ko kakilala ang taong tinutukoy mo". Grabe pala sya magalit at masaktan lalo na kung ito ay tungkol sa isang kaibigan.
Pagdating naman sa pag-ibig sya rin ay kakaiba, dito sa parte na ito ako napraning sa kanya. Kahit anong nagawa ng taong minahal nya, kahit kailan hindi sya nagtanim ng galit sa kanila. Para sa kanya ito ay naging parte ng buhay nya, at hindi lang talaga ito ang nakalaan na makasama nya.
Meron lang akong hindi maintindihan, bakit hindi sya marunong magalit ngunit hindi nya rin kayang balikan. Hindi ba karaniwan, hanggat mahal natin ang tao sya ay hindi natin kayang iwanan. Ngunit itong aking kakilala ay sadyang mahiwaga, basta nasagad na sya ikaw ay iiwan nya.
Ito ang aking napuna, wala syang pakialam kung ano pa ang inyong ugnayan o tagal ng panahon na inyong pinagsaluhan. Hindi rin nya pinagbabasehan ang pag-ibig na nadarama, o ang hirap na gawin ng mga taong nagkasala sa kanya. Para sa kanya ikaw ay patay na, siguro kasi iyon din ang kanyang nadama nung sya ay nasaktan nila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento