Biyernes, Disyembre 23, 2011

BAGONG TAON, BAGONG TAO!

May mga bagay sa mundo, na talagang ganoon na lang at hindi na kaya pang mabago. Ito daw ay nakalakihan at ito raw ang kanyang pagkatao. Ngunit pagdating sa ugali, hindi ako sasang-ayon dito. Para sa akin kung iyo talagang gusto, at may dahilang matindi ay kakayanin mo magbago. Kailangan lang may rason, at iyon ang gagamitin mong inpirasyon.

Hindi madaling magbago, naiintindihan ko. Ngunit sana kahit papaano ay kanilang makita, na meron kang ginagawa upang ugaling pangit ay mabawasan. Wala kang ginagawang masama, iyan ang lagi mong depensa sa karamihan. Ngunit sana iyong maintindihin, ikaw minsan ay may nasasagasaan. Mga taong syo ay may pakialam, dahil ikaw ay kanilang kaibigan o katipan.

Sana pag-isipan mo, malaking ginhawa kapag ikaw ay nagbago. Magiging masaya ang inyong relasyon at pagsasama, dahil wala ng hindi magagandang eksena. Ilagay mo ang iyong sarili sa posisyon ng iba, baka sakali makumbinsi ka, na tama ang kanilang pananaw at ikaw ang nagiging mababaw.

Ito ang tatandaan mo, ang mga taong totoong nagmamalasakit at nagmamahal syo, ay hindi puro magaganda ang sasabihin bagkus itatama ang mga mali mong gawain. Oo masasaktan ka ngunit at least alam mo naman na sila ang mga taong totoong nag-aalala, dahil ikaw sa kanila ay napakahalaga.

Sana huwag mahuli ang lahat, ingatan mo ang mga taong nagmamahal syo ng tapat. Dahil ang kasabihan na ito ay totoo at tatandaan mo " Ang tao kapag sa iyo ay nawala, saka mo lang malalaman na mahalaga ito syo at hindi mo kayang mabuhay ng wala to". Kaya pagkatapos mo ito mabasa sana ay may magbago na, upang ang inyong pagsasama ay tumagal at maging masaya.


Linggo, Disyembre 18, 2011

WOW BANGGOW!

Ang sarap pakinggan ng salita ng mga bata, salita na karaniwan nating hinuhulaan dahil hindi natin maintindihan. Minsan kami ay aalis, magsisimba kami at nagmamadaling magbihis. Lahat kami ay may ginagawa halos hindi magkadaugaga, ng bigla naming narinig isang maliit na tinig. " WOW BANGGOW " paulit ulit nyang sinasabi, heto na naman ang makulit kong bunso at hindi mapakali.

Itinaas nya ang kanyang kamay, tila may inaabot na bagay. Ngunit sya ay sadyang maliit pa at di kayang abutin ng kanyang mga bisig na maikli din. Sya ay aking nilapitan, aalamin kung ano ang kanyang kailangan. Sigaw sya ng sigaw " BOT BANGGOW, BOT BANGGOW!, hay ano ba ang kanyang gustong sabihin? upang pagsigaw nya ay tumigil.
Nilapitan na rin ako ng kanyang yaya, nagbabakasakali na baka maintindihan nya. Ngunit kahit sya ay hindi naintindihan ang salitang sinasambit ang alaga nyang si Mocca. Bigla pumasok sa aming kwarto, ang una kong pamangkin at humihingi ng pabanggo sa akin. Inabot ko kay Iyah ang cologne ng bigla na naman simugaw si Mocca ng " WOW BANGGOW ". Ngayon akin ng naintindihan ang salitang gusto nyang iparating sa akin.

Humihingi pala sya ng pabango, iyon pala yung salitang nyang " BANGGOW "...... the end!


PABORITO

Sa lahat ng pamilyang Pilipino, hindi maaalis yung may paborito. Hindi man nila ito aminin, nakikita naman ito ng mga mata natin. Iba ang trato nila sa kanilang paborito, at iba rin ang pakikipag-usap nila sa mga ito. Nag-iiba rin ang tingin ng ibang sa tao sa kanila dahil malapit sila sa swerte at hindi sa disgrasya.

Dito rin nawawala ang respeto ng mga paborito sa ibang supling na akala mo ay hindi nila pansin. Kung sabagay ano nga naman ang pabor na mahihingi nila dito, hindi naman malakas sa taas ang mga taong ito. Sila yung tao na laging nauutusan, sila rin ang nagsisilbi sa kanilang tahanan.

Kaya pansinin nyo mas malapit sila sa kanilang mga kaibigan, kesa sa pamilya na kanilang nakagisnan. Doon kasi nila nararanasan, ang respeto na hindi nila matikman. Ibang tao lang din kasi ang nakakapuna, na matalino pala sila at magaling at may ibubuga rin.
                                        
Hindi sila ang paborito kasi may nagawa sila noon na hindi ikinagusto. Sana lang maisip ng mga tao sa paligid nyo, lahat ng tao ay nagbabago at huwag nila kayo ipako sa nakaraan nyo. Ito ang ibabahagi ko sa inyo, isang bagay na narinig ko " huwag mong ganyanin ang iyong supling, baka pagdating ng panahon yan pa ang magsilbi syo at ikaw ay arugain ".

May mga bagay sa mundo, na hindi nyo na mababago. Matuto na lang kayo na tanggapin ito at masanay dito. Walang magagawa ang paghahanap ng wala, ichallenge nyo na lang ang inyong sarili ng kayo ay may mapala.

Biyernes, Disyembre 16, 2011

LIHIM

Sya ay malapit sa akin, isang tao na akala ko hindi ako lolokohin. Tiwala ako sa kanya, kahit minsan hindi ko inisip na sya ay nagpapanggap lang. Tinulungan ko sya, ako sa kanya ay laging nakasuporta. Ngunit paano nya nagawa, na ako ay kanyang paglihiman, kakuntyaba nya pa ang kanyang mga kaibigan.

Wala pong lihim na hindi nabubunyag, kahit ano pa ang gawin ninyong pag-iingat. Kahit pa napag-usapan nyong lahat, at mapagkakasunduan na ililihim nyo ang lahat ng naganap. Hindi naman ako tanga, tiwala lang ako talaga sa kanya. Sa bawat kilos nya at salita ay kahit kailan hindi ako nagduda at nag-isip ng masama. Paano kaya nya sa akin yun nagawa, gayong puro kabutihan lang ang kanya ay aking ginawa.

Paano pa kaya ako maniniwala, ngayong natuklasan ko na ang lihim ng kanyang ginawa. Kung wala sya talagang intensyong masama, sana alam ko yun at nagpaalam sya ng tama. Kaya pala sya ay nagtanong sa akin, ako ba raw ay marunong magsinungaling. Ngayon alam ko na ang dahilan ng kanyang pagtatanong, dahil sya ay nagsisinungaling na sa akin.

Ang buhay ko halos alam nyo ang buong kwento, alam nyo lahat lahat ng pinagdaanan ko. Paano nila nagawa na ako ay paglihiman, gayong naging tapat ako sa kanya at sa kanyang mga kaibigan. Pero ok na rin ang ganito, kahit papaano nalaman ko ng maaga ang totoo

Salamat sa mga masasayang sandali, mga sandali na mapagkunwari. Hindi man sya naging totoo at nasaktan nyo man ako ng todo. At least alam ko na possible pa ako makahanap ng pag-ibig na totoo, dahil ako ay isang mabuting tao at hindi manloloko na tulad nyo.

Tang ina mo, gusto kitang suntukin. Paano mo nagawa na ako ay paikutin at lokohin.

(ok na ba yan? naparating ko ba ng tama ang kwento mo? sana naman, kanino naman kayang kwento ang susunod kong isusulat, abangan.)

" wala ako maisip na pic kaya share ko na lang mug ko....  "

Linggo, Disyembre 11, 2011

" NO BANAPHER "

Para sa mga ina na tulad namin, napakasakit isipin na hindi namin maintindihan ang gustong sabihin ng anak namin. Minsan noong ako ay nasa Makati, naglalaro kami ni bunso ng bigla syang umiyak at may sinasabi sa akin. " No banapher, no banapher " yan ang mensaheng paulit ulit nyang sinasabi sa akin.


Hindi ko alam ang aking gagawin, pakiramdam ko may masakit syang nararamdaman ngunit hindi ko sya  maintindihan. Sumisigaw na sya habang umiiyak " mommy no banapher, no banapher ". Ano ba talaga? hindi na ako magkandaugaga. Tinawag ko ang kanyang yaya, nagbabakasakali na narinig na nyang minsan ang salitang sinasambit ng anak kong hindi mapakali.


Ngunit wala rin syang nagawa, ngayon lang din daw nya narinig ang salitang iyon na  sinasabi ni Mocca. Binuhat ko sya ngunit nagpupumiglas sya, pilit syang nagpapababa sa akin at naghuhumiyaw ng " banapher, banapher ".  Ang hirap ng ganito, na bulol pa ang anak ko. May mga salita kasi na huhulaan mo kung ano ba talaga ang ibig sabihin nito.


Pagbabasihan mo ang tunog ng salitang iyon, iisipin mo kung ano ang posibleng katumbas noon. Kailangan pala na pinagtutuunan ko ng pansin ang bawat galaw ng kamay o katawan ng anak kong pilit na may gustong sabihin sa akin. Doon ko lang tunay na naintindihan, kung ano ang banapher na paulit-ulit nyang pinagsisigawan.


ITO NAMANG SUMUNOD NA ISInULAT KO AY PARA SYO " BANAPHER "


Laki ng pasasalamat ko dahil sa tulong mo, hindi na ako napupuyat dahil diretso ang tulog ko. Hindi ko man masabi kung gaano ka kahalaga, sana maintindihan mo hindi lang ako masalita pero makikita mo sa gawa. Lagi kita karamay, simula pa ng isilang ko ang aking panganay. Ikaw rin ang katulong ko, habang lumalaki ang bunso ko. Kahit saan sila pumunta lagi ka namin kasama, hindi kami makaalis noon kapag wala ka.

Ang laki ng iyong naiambag sa pagpapalaki sa aking mga anak. Aaminin ko hindi ko iyon makakaya lalo na kung wala ka. Kahit minsan hindi mo ako binigo, tumutupad ka lagi sa iyong pangako. Pero ito sa akin ang pinakamahalaga, kung paano mo pinaginhawa ang pakiramdam ni  Moki at ni Mocca. 


Ngunit sana maintindihan mo, na hindi habang panahon ay pwede mo akong tulungan. May mga pagkakataon kasi na hindi kita kailangan. Hindi naman pwede na laging nariyan ka, kailangan ko sila tiisin upang matuto mag-isa. Hanggang dito na lang mahal kong BANAPHER, magkikita rin ulit tayo hindi ko nga lang masabi kung kailan at paano.
 Ang gusto pala iparating ng bunso ko sa akin " mommy puno ang  diapher ".......

Biyernes, Disyembre 9, 2011

HILOM

Lahat naman siguro tayo naranasan na maaksidente, mapamalala man o simple. Tulad ng pagkadapa ng isang bata, ang taong nahiwa habang naghahanda ng ilulutong putahe, o pagkakauntog dahil sa tulak o dahil hindi nakita ang pinag-untugan. Lahat ito kapag iyong naranasan, mayroon kang sakit na mararamdaman. Sakit na panandalian, ngunit kung malala ay minsan natatagalan. Ngunit lahat ng ito ay nag-iiwan ng bakas, at ito ang palatandaan ng sakit at hapdi na iyong naramdaman sa iyong karanasan.

Ihahalintulad ko ang sugat sa sakit na minsan ating nararamdaman, kapag ang isang tao sa atin ay may nagawang kasalanan. Ang sakit ng kalooban ay katulad din ng sugat sa balat, may iba't ibang sanhi at lalim na iniiwan. Depende sa tagal ng panahon ng paghilom sa tindi ng sakit at lalim ng pinagsamahan.

Ang maganda lang sa sugat sa balat, ito ay naghihilom ng kusa. Hindi tulad ng sakit ng kalooban, minsan may mga taong hindi na ito makalimutan at hindi kayang maggawad ng kapatawaran. Ang iba naman ay tila hindi ka nakilala, dahil tila bigla silang nagkaroon ng amnesia.

Mayroon akong kakilala, para sa kanya ang kaibigan ay para ng kapamilya. Tiwala sya sa kanyang mga kasama, kaya buo rin ang suporta nya sa kanila. Mapaeskwela, trabaho o usapang pinansyal, hindi nya tinatanggihan, ang importante ay kanyang matulungan ang kaibigang nangangailangan.

May dumating na pagkakataon, ang taong itinuring nyang kapamilya ay bigla syang tineydor. Hindi sya makapaniwala na ito ay nagawa sa kanya, kaya naman ang taong iyon ay halos kanyang maisumpa. Kapag sya ay aking tinatanong, ang lagi lang niyang tugon "hindi ko kakilala ang taong tinutukoy mo". Grabe pala sya magalit at masaktan lalo na kung ito ay tungkol sa isang kaibigan.

Pagdating naman sa pag-ibig sya rin ay kakaiba, dito sa parte na ito ako napraning sa kanya. Kahit anong nagawa ng taong minahal nya, kahit kailan hindi sya nagtanim ng galit sa kanila. Para sa kanya ito ay naging parte ng buhay nya, at hindi lang talaga ito ang nakalaan na makasama nya.

Meron lang akong hindi maintindihan, bakit hindi sya marunong magalit ngunit hindi nya rin kayang balikan. Hindi ba karaniwan, hanggat mahal natin ang tao sya ay hindi natin kayang iwanan. Ngunit itong aking kakilala ay sadyang mahiwaga, basta nasagad na sya ikaw ay iiwan nya. 

Ito ang aking napuna, wala syang pakialam kung ano pa ang inyong ugnayan o tagal ng panahon na inyong pinagsaluhan. Hindi rin nya pinagbabasehan ang pag-ibig na nadarama, o ang hirap na gawin ng mga taong nagkasala sa kanya. Para sa kanya ikaw ay patay na, siguro kasi iyon din ang kanyang nadama nung sya ay nasaktan nila.























Martes, Disyembre 6, 2011

UNA KONG PAMANGKIN

Si Iyah ang aking unang pamangkin, anak sya ng aking kapatid na sumunod sa akin. Dito sya ipinanganak sa Pilipinas, at dito rin sila nanirahang mag-anak. Ngunit ng siya ay limang taong gulang na, lumisan ang kanyang mga magulang at sa ibang bansa nagtrabaho at nanirahan. Sa aking ina siya iniwan, at telepono at kompyuter lang ang tangi nilang inaasahan.
Isang taon din ang itinagal nya sa amin, bago pa sya kinuha at kami ay lisanin. Doon na nya itinuloy ang kanyang pag-aaral, kahit wala pa syang alam sa lenggwahe ng bansang kanyang pinuntahan. Laking gulat ko ng aking mabalitaan na ang salitang bago sa kanya ay madali nyang natutunan. At lalo pa kami natuwa ng sabihin sa amin na sya ay nag- eeksel sa lahat ng kanyang asignatura sa bagong paaralan.
Mahilig sya kumanta, nagmana kasi sa kanyang ama. Lahat ng kinakanta nya ay ipinapanood nya sa amin, at tuwang tuwa naman ang ina ko na nangungulila sa aking pamangkin. Tatlo hanggang apat na beses kung sya ay umuwi ng Pilipinas, binibisita nya kami at ang ina ko na labis ang pananabik. Kapag may pagkakataon, ang aking ina naman ang pumupunta sa kanila at doon ay bumibisita.
Nasanay na kami sa ganitong tema, limang taon na rin kasi na ganito ang eksena. Ngayon ay nadito sya ulit at nagbabakasyon, mananatili sya sa amin hanggang sa unang linggo ng Enero ng susunod na taon. Ang blog na ito ay hiniling sa akin, hindi naman ako makatanggi dahil sya ang una kong pamangkin. 

Linggo, Disyembre 4, 2011

WOW MALI!

Nais kong makasulat ng isang malikhaing kwento o tula, ngunit hindi ako marunong kung paano ang tamang paggawa. Nagtanong-tanong ako sa aking mga kakilala, mga taong may mga kwento o tulang naisulat na. Kwento o tula na pinuri na ng karamihan, ibinahagi at ipinagmalaki sa sambayanan.

Meron isang tao pinahiram ako ng libro, may isang istorya na nais nya ay basahin ko. Sa titolo pa lang nito ay parang may pagkamalahay na, at lalo ka madadala habang binabasa mo ang ibang bahagi ng istorya. Gigil na gigil ako ng binabasa ko ito, gumagawa na ako ng mga possibleng eksena sa utak ko. Ang galing ng taong sumulat nito, napagana nya ang imahinasyon ko.

Nadala ang aking emosyon sa kwentong aking binasa, to the point na kung ano-ano na ang naisip kong masaklap na mangyayari sa istorya. Gusto ko makasulat ng tulad noon, yung tipong iba ang sasagi sa isipan ng tao, ngunit iba rin pala ang totoong mangyayari sa kwento di ba.

Ang sarap kasi ng pakiramdam, na nadala ka at nalungkot, naawa, nagalit at nainis sa binasa sabay matatawa ka dahil na WOW MALI KA ng sumulat ng istorya.