Lunes, Abril 16, 2012

MALAYA

Marami sa inyo ang maiuugnay ang istoryang ito sa sarili ninyong karanasan, marahil yung iba ito ay napagdaanan. Hindi ganoon kadali isulat, dahil alaala ng kahapon ay gusto ko ng kalimutan. Ngunit ito ang isang paraan upang ako ay matulungan, ang ibahagi sa iba ang pait ng nakaraan.

Nakilala ko sya dahil sa isang kaibigan, hindi naman inaasahan na kami ay magkagustuhan. Magkaiba ang aming pinagdaanan, ngunit iisa lang ang kinahinatnan pareho kaming nasaktan. Pareho kaming nag-iisa, malungkot, walang kausap at walang kasama. Kinalinga namin ang isa't-isa, lungkot ay napawi at biglang sumaya.

Ibinigay ko ang sa buhay nya ay kulang, mga bagay na meron ako na hindi pa nya naranasan. Ganon din naman ginawa nya sa akin, pagmamahal at atensyon ang inalay nya sa akin. Dama namin ang pangangailangan ng isa't-isa, kaya ang pangakong "walang iwanan" ay nasabi nya. Naniwala ako sa kanyang mga salita, umasang ito ay tapat at totoo.

Ngunit isang araw ako ay nagising, iba na ang kasama ko at sya ay wala na sa akin. Tinanong ko saan ako nagkamali, may pagkukulang ba ako na dapat kong mabawi. Marami pala syang kinipkip na hinanakit, na kung sana ay nasabi baka relasyon ay nasagip. Pinilit ko pa rin na ayusin, pinag-usapan ang mga bagay na dapat baguhin.

Pinagbigyan ko ang kanyang mga hiling, ngunit isang araw sya pa rin ay nagpaalam sa akin. Hindi alam ang gagawin, bakit ganito ang nangyayari sa amin. Binigay ko na lahat, ngunit tila kulang pa at hindi sapat. Hindi ko maintindihan, parang ako lang ang gumagawa ng paraan. Siguro nga ay ayaw na nya, at kailangan ko na syang pakawalan.

Kahit ganoon ang nangyari, hindi ko magawang mapoot at magalit. Hindi ko sya kayang pasakitan bagkus lagi pa ring inaalalayan. May nagsabi sa akin "kapag nagmahal ka huwag mong ibigay ng buo, magtira ka sa sarili ng hindi ganoon kasakit at may nalalaman pa silang percent-percent". Sinagot ko siya at ito ang aking nasambit "ang totoong pagmamahal ay walang sukatan, kapag mahal mo ang isang tao ito ay sukdulan at wala kang ititira sa sarili kahit konti man".

Sana maintindihan nya bakit ako malungkot at naiirita, tao lang kasi ako marunong masaktan. Hindi ko na kasi alam kung ano pa ang kailangan, upang pag-ibig ay ibalik dahil sya ay aking kailangan. Hindi ko kayang ngumiti at maging masaya, pagkatapos nyang sabihan na kami ay wala na.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento