Martes, Abril 24, 2012

SI MOKI

Ang panganay kong anak ay si Moki, siya rin ang una at nag-iisang apo ni Mama na lalake. Hindi ako kasal at walang asawa, kaya ang pagpapalaki sa kanya ay si Mama at tatlo kong kapatid ang aking kasama. Ang dami niyang litrato, puro si Mama at mga kapatid ko ang kasama nya rito. Nakakaaliw balikan ang nakaraan, noong si moki ay bata pa at sa paglalakad ay kailangan pang gabayan.

Lapitin sya ng aksidente, taon taon basta pasko kami ay hindi mapakali. Nagkakataon kasi tuwing sasapit ang araw na iyon, may hindi magandang nangyayari. Buti na lang ay natapos din ang ganoong eksena, nakampante na kami at wala ng sakuna.

Lumaki siya sa poder ni Mama, kaya ibang hilig nya ay doon niya namana. Tulad na lang ng pagkain ng gulay at prutas, bagay na di ko gusto pero lumaki siya na mahilig dito. Lagi silang magkasama maglola, at sa pagmomol naman ay kapatid kong bunso "GINO" ang lagi nilang kasama. Siya ang namimili ng mga damit ng anak ko, kaya sa kanya rin ito tiwala kung ano ang maganda at kung ano ang terno.

Ang kapatid kong lalake na sumunod sa akin "PJ", ang nagturo sa kanya ng isports at kalaunan ay nakahiligan din. Hanggang ngayon ay wiling-wili sya sa larong basketbol, teybol tenis, badminton at ang mamisikleta. Tuwing uuwi ang kapatid ko mula Singapore, ay yan at yan ang gagawin nila. Araw-araw magyaya ito, sa mol para sa teybol tenis o sa kanto para magbasketbol.

Si REG naman ang pangatlo kong kapatid, siya ang nagturo kay Moki tungkol sa kompyuter at magdrowing. Naaalala ko noong minsan na natulog ako galing sa trabaho, tinuruan sya magluto ng hotdog at siya ay napaso.

Napakaswerte ko at may Mama ako at mga kapatid na ganito, na sinuportahan ako at ginabayan ng todo. Walang sawa na laging nasa tabi ko, para magpaalala at itama ang ugali ko. Hindi ko pa siguro ito nasasabi, salamat sa inyo ng marami.

Linggo, Abril 22, 2012

PANAHON

Hindi inaasahan ni Glenda ang paghihiwalay nila ng kanyang kinakasama, masaya naman kasi sila kaya inakalang walang problema. Hindi niya alam na may tinatago palang isipin si Lando, itinanim at inipon kya ngayon ay bigla na lang sumiklab at sumabog. Nakipaghiwalay si Lando kay Glenda, na parang ang babaw ng mga rason na ibinigay nya.

Mga bagay na napakadali sana ayusin at baguhin, kung sinabi nya sana kay Glenda ng maaga. Binigyan nya ng pagkakataon si Glenda, ginawa naman nya lahat ng pagbabago na nais nung isa. Ngunit sadyang wala na yatang pag-asa, dahil makaraan ang tatlong araw ay nakikipaghiwalay na naman si Lando sa kanya.

Pinagbigyan ni Glenda si Lando, ngunit umasa pa rin na isang araw ay magigising ito. Pinaglingkuran pa rin nya ang dating katipan, inasikaso, sinuportahan at pinakisamahan. Si Lando ang nakipaghiwalay, ngunit kapag may kailangan sya ay si Glenda pa rin ang sa kanya ay tumutulong at nakagabay. Hindi nagsasawa si Glenda, umaasa pa kasi na maayos sila.

Oo na lang si Glenda sa lahat ng sinasabi ni Lando, kahit kung tutuusin ay wala na siyang responsibilidad dito. Umaalis at umuuwi sya kahit anong oras nya gusto, wala man lang pakialam sa mga iiwan nito. Hindi sya gaanong magaling sa pakikisama, kailangan mo pa utusan upang malaman nya ang gagawin nya. Ngunit sadyang tahimik si Glenda, hindi na nya inuusap pa ito para wala na lang problema.

Pero iba ang gusto ni Lando, naiinis daw sya kay Glenda kapag nakasimangot o malungkot ang mukha nito. Hindi man lang nya naisip ang pinagdadaanan nung tao, meron ba namang iniwan na ng katipan eh masaya pa at tumatawa. Pero kahit ganoon ang sitwasyon, hindi pa rin pinabayaan ni Glenda ang dating katipan, iniintindi pa rin nito lahat ng pangangailangan ni Lando.

Hindi ko alam kung martir si Glenda o sadyang mabait lang talaga, para pagsilbihan pa si Lando pagkatapos saktan sya. Wala yata akong babaeng makikilala na ganyan, iniwan mo na at sinaktan, ikaw pa rin ay pagsisilbihan. Sinusuportahan ka sa lahat ng iyong pangangailangan, mula sa simpleng bagay hanggang sa pinansyal ay lagi syang nariyan. Paano kaya si Lando kapag natauhan sya, na hindi nararapat ang ganoong pakitungo sa kanya.

Maswerte ka at magpakasaya, hanggat nadyan si Glenda ay wala kang problema. Sarili mo lang ang sa iyo ay mahalaga, laging ikaw at ikaw lang ang bida. Sana maisip mo naman magpahalaga sa ibang tao, lalo na yung laging nasa tabi mo at nakasuporta syo. Baka isang araw matauhan si Glenda, na ikaw pala ang klase ng tao na walang kwenta.



Lunes, Abril 16, 2012

MALAYA

Marami sa inyo ang maiuugnay ang istoryang ito sa sarili ninyong karanasan, marahil yung iba ito ay napagdaanan. Hindi ganoon kadali isulat, dahil alaala ng kahapon ay gusto ko ng kalimutan. Ngunit ito ang isang paraan upang ako ay matulungan, ang ibahagi sa iba ang pait ng nakaraan.

Nakilala ko sya dahil sa isang kaibigan, hindi naman inaasahan na kami ay magkagustuhan. Magkaiba ang aming pinagdaanan, ngunit iisa lang ang kinahinatnan pareho kaming nasaktan. Pareho kaming nag-iisa, malungkot, walang kausap at walang kasama. Kinalinga namin ang isa't-isa, lungkot ay napawi at biglang sumaya.

Ibinigay ko ang sa buhay nya ay kulang, mga bagay na meron ako na hindi pa nya naranasan. Ganon din naman ginawa nya sa akin, pagmamahal at atensyon ang inalay nya sa akin. Dama namin ang pangangailangan ng isa't-isa, kaya ang pangakong "walang iwanan" ay nasabi nya. Naniwala ako sa kanyang mga salita, umasang ito ay tapat at totoo.

Ngunit isang araw ako ay nagising, iba na ang kasama ko at sya ay wala na sa akin. Tinanong ko saan ako nagkamali, may pagkukulang ba ako na dapat kong mabawi. Marami pala syang kinipkip na hinanakit, na kung sana ay nasabi baka relasyon ay nasagip. Pinilit ko pa rin na ayusin, pinag-usapan ang mga bagay na dapat baguhin.

Pinagbigyan ko ang kanyang mga hiling, ngunit isang araw sya pa rin ay nagpaalam sa akin. Hindi alam ang gagawin, bakit ganito ang nangyayari sa amin. Binigay ko na lahat, ngunit tila kulang pa at hindi sapat. Hindi ko maintindihan, parang ako lang ang gumagawa ng paraan. Siguro nga ay ayaw na nya, at kailangan ko na syang pakawalan.

Kahit ganoon ang nangyari, hindi ko magawang mapoot at magalit. Hindi ko sya kayang pasakitan bagkus lagi pa ring inaalalayan. May nagsabi sa akin "kapag nagmahal ka huwag mong ibigay ng buo, magtira ka sa sarili ng hindi ganoon kasakit at may nalalaman pa silang percent-percent". Sinagot ko siya at ito ang aking nasambit "ang totoong pagmamahal ay walang sukatan, kapag mahal mo ang isang tao ito ay sukdulan at wala kang ititira sa sarili kahit konti man".

Sana maintindihan nya bakit ako malungkot at naiirita, tao lang kasi ako marunong masaktan. Hindi ko na kasi alam kung ano pa ang kailangan, upang pag-ibig ay ibalik dahil sya ay aking kailangan. Hindi ko kayang ngumiti at maging masaya, pagkatapos nyang sabihan na kami ay wala na.






Sabado, Abril 14, 2012

BULAG

Bakit hindi mo makita kung ano ang meron ka, lagi mo lang iniisip kung ano ang wala ka. Akala mo puro ka problema, bakit ba ang katotohanan ay hindi mo makita. Ganyan talaga ang pakiramdam, kapag hindi ka makuntento sa buhay mong maginhawa naman. Ano pa kaya ang sa iyo ang kulang, bakit ba hindi ka matahimik at laging nagugulumihanan.

Madaming mahirap sa mundo, iyan ay halimbawa ng mga taong mas mababa sa’yo. Ngunit hindi nila nilulunod ang isip, sa mga bagay na hindi nila mabili. Kuntento sila kung ano ang meron, ang mahalaga ay nakakaraos naman sa maghapon. Gumagawa sila ng paraan upang sila ay maahon sa kahirapan, hindi yung nilulunod ang sarili sa kakaisip kung bakit sila dukha at walang laman ang tiyan.

Swerte ka alam mo ba, dahil na sa iyo na lahat kaya lang hindi mo alam. Kung nasa akin lang sana ang meron ka, wala na siguro akong hihilingin pa. Buksan mo ang iyong isip, huwag mo isara sa mga bagay na gusto mo makamit. Hindi babagsak sa iyong harapan yan, dahil lahat ng bagay sa mundo ay pinaghihirapan.

Huwag mong hintayin na may mawala sayo, tanging tao na tumanggap sa buo mong pagkatao. Hindi sya nagsasawa na unawain ang trip mo, pero sana naman sya ay alagaan, mahalin at irespeto.


YAMAN

Naglilinis ako ng bahay, naisip ko bakit hindi pa lubusin? Linisin na rin pati mga kabinet, maitapon ang mga gamit na hindi na pakikinabangan. Naumpungan kong simulan sa mga koleksyon naming ng cd, marami na kasi doon ay gasgas at bakit kailangan pang itabi. Nakita ko ang isang kahon ng cd ni Rey Valera, sabi ko “aba naman ang tanda na nito gumagana pa kaya?” kaya isinalang ko ito sa cd player upang tuklasin at maitapon kung hindi na gagamitin.



Ngayon ko lang napakinggan mabuti, mga awit na kanyang kinanta at isinulat. Ang ganda ng liriko ng bawat isa, iisipin mo na ikaw ang bida at sa iyo ito kinakanta. Halos puro tungkol sa pag-ibig, may maganda, malungkot at meron din namang nagbibigay ng pag-asa.



Wala na akong naririnig na ganoong kagandang awitin, mga kantang tatatak sa iyong damdamin. Mga kantang masasabing dapat lang itabi at alagaan, upang marinig ng ating kabataan. Ganito dapat ang mga klase ng awitin na dapat pinakikinggan, may kabuluhan at may kahulugan.



Ngayon ito na ang aking paborito, tuwing umaga at bago matulog ito ang aking pinakikinggan. Masakit man ay gumagaan naman ang aking pakiramdam. Idinaan sa awitin ang sakit ng nadarama ng taong may akda, walang kema na sinabi ang kayang napagdaanan.



Nakarelate ako kay Rey Valera, kanta nya at sulat ko ay puro totoong nagyayari sa ating buhay. Mga likha na may pinanggagalingan o pinaghuhugutan, bawat salita ay galing sa puso at hindi lang sa isipan. Isa pang aking nagustuhan ay ang pagpili ng bawat letra na kanyang ginamit, tungkol man sa pagkabigo ang kanta ay kaya nyang gawing maganda at kaakit akit.



Iyan ang masasabi kong talentado, walang katulad at hindi kayang pantayan. Paglipasan man ng panahon ay kakahiligan mo pa rin pakinggan. Salamat at nagkaroon ako ng pagkakataon na marinig, mga awitin na nagbibigay inspirasyon sa buhay natin.

  
PANGAKO SA'YO

Noon akala ko
Ang wagas na pag-ibig
Ay sa nobela lang
Matatagpuan
At para bang kay hirap
Na paniwalaan

Ii.

Ikaw, ikaw pala
Ang hinihintay kong pangarap
Ngayong kapiling ka
At tayo'y isa
Hindi ko hahayaan
Na sa atin ay may hahadlang

Chorus:

Pangako sa 'yo
Ipaglalaban ko
Sa hirap at ginhawa
Ang ating pag-ibig
Upang 'di magkalayo
Kailan man
'pagkat ang tulad mo
Ay minsan lang sa buhay ko...

Repeat ii:

Repeat chorus:

For better or for worst
For richer or for poorer
In sickness and in health
Till death do us part

Upang 'di magkalayo
Kailan man
'pagkat ang tulad mo
Ay minsan lang sa buhay ko...


Biyernes, Abril 13, 2012

TANGING HANGAD

Hindi lahat ng ating hinahanap ay ating matatagpuan, isang bagay na aking natutunan sa hindi magandang paraan. May mga bagay kasi na kusang darating, lalo na kung ito ay nakalaan talaga para sa atin. Ngunit sa kagustuhan natin agad lumigaya, pighati pala ang ating makikita. Kahit ano pa ang iyong giit, kung hindi pa panahon ay hindi mo maipipilit.



Minsan naman tayo ay nabubulagan, inaakalang natagpuan na ang matagal ng inaasam. Ibibigay ang lahat, upang relasyon ay tumagal at hindi mabuwag. Ngunit may mga bagay na hindi kaya bilhin, ubusin man ang yaman hindi mo pa rin maaangkin. Subukan man na sundin ang lahat ng kanyang hilig, ito pa rin ay magsasawa dahil pag-ibig ay wala.



At huwag na huwag mong gagawin na magmakaawa, dahil kung tunay ang pag-ibig hindi mo kailangan magpakababa. Hindi nya kakayanin makita kang lumuha, hindi rin maaatim na mukha kang kaawa-awa. Kaya nga siguro nasa itaas ang ating utak, upang gabayan ang puso sa mga desisyong pabugso-bugso. Ngunit hindi ko maintindihan ang karaniwang nasasaksihan, puso ang nangingibabaw sa utak na maalam.



Minsan kong narinig sa kaibigang nagmamalasakit, okey lang ang umibig ngunit huwag kalimutan na gamitin ang isip. May batayan ang tinatawag nilang pag-ibig, hindi ito makasarili at hindi rin nanggagamit. Okey lang daw ang tumulong sa kapwa, pero huwag naman daw sobra dahil umaabuso ang iba. Ngunit magpasaya ng kapwa ang sa iyo ay nagbibigay ng ligaya, kaya kahit alam mo na ang totoo tila bulag ka at hindi mo makita.



Umaasa ka na mamahalin ka ng mga tao, dahil sa mabubuting bagay na nagagawa mo sa mga to. Ngunit hindi ganon ang nangyayari, kaya makinig ka naman sa mga taong nasa iyong tabi. Nakikita kasi nila, mga bagay na hindi mo napupuna. Sila ang mga taong syo ay may malasakit, dahil alam nila ang iyong pagkatao at hindi ka nararapat na masaktan at magamit.



Ito ang iiwan ko, bagay na para sa akin ay totoo.



I Corinto 13:4-7



Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang loob, hindi nananaghali, nagmamapuri o nagmamataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin o mapagtanim sa kapwa. Hindi nito ikinatutuwa ang gawang masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagbata, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.



Mateo 21:22



At anumang hingin ninyo sa pananalangin ay tatanggapin ninyo kung nananaig kayo.



Miyerkules, Abril 11, 2012

LIMOT NA PANGAKO

Sa lahat ng bagay sa lahat ng tao, hindi maiwasan ang mangako tayo. Gusto man natin tuparin o hindi sinasadyang biguin, masakit pa rin sa taong pinagsabihan dahil sa pag-asang ito ay seryoso at magkakatotoo. Sa mga taong may isang salita, kung umasa ang mga ito ay akala mong sa bato itinaga. Pero siguro nga may mga pangakong nasisira ng panahon, lalo na kapag may dumarating na mga pagkakataon.

Sabi kasi nila minsan lang ito kung dumating, kaya't huwag na huwag mong palalampasin. Ngunit paano kung ang pagkakataon na iyon, ang sisira pala sa binitiwan mong salita noon. Paano kung may masasaktan ka? paano kung may maiiwan? kaya ba ng iyong kunsensya at ikaw ba ay siguradong liligaya? Iba't-iba karaniwan ang desisyon ng mga tao, depende ito sa kinalalagyang estado.

Maraming tao ang nasisilaw sa pera, handang iwan ang meron sya. Isang bagay na hindi kayang bilin, at lalo namang napakahirap hanapin. Pero hindi nila iyon naiisip, sa pag-aakalang makakahanap ng kapalit. Marami ang pamilya at relasyon ang nasira, dahil sa pangakong hindi nagawa. Baka sa huli ikaw ay magsisi, dahil sa pagsunggab mo sa pagkakataon na walang pasabi. Baka kesa ikaw ay lumigaya, malaman mo sa huli na ang pinakawalan mo pala ay ang nagbubukod tanging nagbigay sa iyo ng ligaya.

Kaya upang hindi magkamali at makasakit ng kapwa, huwag mangako kung hindi mo kayang magawa. Mag-isip muna at pag-usapan, hingin ang opinion ng inyong asawa o katipan. Ito ang iiwan ko at dito ako sigurado, dalawa kayo dapat na nangangarap. Dahil pinag-isa ang puso nyo at naging isa rin ang inyong pangarap.