Sa edad kong trenta'y tres masasabi kong marami pa akong hindi nararanasan, mga bagay na hindi alam kung ano ang pakiramdam, mga bagay na wala kayong alam. Ito ang klase ng mga bagay na hindi mo iisipin na aking ililihim dahil sa dila kong matabil at hindi makapagpigil. Ngunit iyon ay aking itinago, mga bagay na iisipin ninyong alam ko na, ngunit wala pala akong ideya.
Minsan okey din kasi hayaan ang tingin at iniisip ng ibang tao, at least akala nila ikaw ay astig na kabaligtaran naman ng iyong totoong pagkatao. Ngayon ko pa lang ito isisiwalat, dahil sa kagustuhan kong magpasalamat. Ngayon iisa-isahin ko mga bagay na nagawa mo, mga bagay na nagpasaya sa akin ng husto at bumago sa aking pagkatao.
Ikaw ang una, ang unang nagbigay sa akin ng rosas na kay ganda. Wala naman okasyon ng araw na iyon, ngunit naisipan mo akong sorpresahin at handugan ng bagay na iyon. Ibang ligaya ang aking nadama, siguro dahil ngayon ko lang ito naranasan di ba.
Ikaw lang ang nagregalo sa akin, isang mug na may mensahe para sa akin. Wala na namang okasyon ng araw na iyon, gusto mo lang akong matuwa kaya ito ay naisipan mong ipagawa. Iyan ang isang bagay na nagustuhan ko sa iyo, gumagawa ka ng paraan upang maramdaman kong ako ay mahal mo. Doon ko napatunayan na wala sa presyo ang pagbibigay ng regalo, ang importante ay ang intensyon ng tao.
Nung minsan na ako ay nagkasakit, pinagsilbihan mo ako at inalagaan. Kumuha ka pa ng bimpo upang ilagay sa aking noo, ipinagluto mo ako ng sabaw upang pawis ko ay sumingaw. Ikaw pa lang ang nag-aruga sa akin ng ganyan, maliban sa aking mga kapatid at magulang. Kaya laking pasasalamat ko, na ikaw ay nakilala ko.
Ikaw lang ang nakatagal sa topak ko, sa kagustuhan mo na magkasundo tayo. Lagi mo itinatanong ang aking gusto, at umiiwas sa mga bagay na ayaw ko. Ayaw na ayaw mo na tayo ay may pagtatalo, ngunit ito naman ang aking paborito. Sa ganitong paraan kasi lalabas ang ugaling totoo, mga pananaw at pinaniniwalaan mo.
Ikaw pa lang ang rumispeto sa akin ng todo, lagi mo iniisip ang kapakanan ko. Ikaw ang nagturo sa akin upang lawakan aking isipan, at huwag basta basta magpadala sa aking nararamdaman. Tinuruan mo akong pigilan ang sarili kong damdamin, ang mag-isip muna bago pa magalit.
Naging mas tahimik ang aking mundo, natuto akong magpasalamat at makuntento. Marami pa akong dapat ipagpasalamat, ngunit kulang ang pahinang ito upang lahat ay aking maisulat. Kaya sana sa munti kong handog, naiparating ko syo na ako ay nalulugod na ikaw ay aking nakilala, kaya ngayon ako na ay masaya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento