Lumaki ka sa Makati, wala kang reklamo sa hagdan kahit ikaw ay nahihirapan. Napansin na lang namin isang araw, namamaga ang tuhod mo at hirap kang gumalaw. Pinatignan ka namin sa doktor, may tubig daw ang iyong tuhod at kailangan mong dumaan sa operasyon.
Natakot kami para sa iyo, dahil alam namin na masasaktan ka ng todo. Ngunit wala kaming magawa, ayaw ka naming mawala. Pinaoperahan namin ang iyong tuhod, pakiramdam mo naman ay guminhawa at ikaw ay nalugod.
Hinintay namin ang iyong paggaling, upang ikaw ay amin ng laruin. Natuwa kami nang tuluyan ka ng gumaling ngunit kailangan mo ng umalis sa aming piling. Ang hirap sa aming kalooban ang problemang aming denisisyunan. Ikaw ay kailangan na naming ilipat, sa isang bahay na wala ng pangalawang palapag at hagdanan.
Napunta ka sa Angono, nawalay ka sa paborito mong si Gino. Sya kasi ang iyong ama amahan, ang nag-alaga syo simula ng dumating ka sa aming tahanan. Hirap na hirap ka nung mga unang buwan, damang-dama ko ay iyong kasabikan. Hindi ka naman nila mabisita ng madalas, sa layo ng lugar at sa dami rin ng kanilang ginagawa.
Ngayon ay may sakit ka, kitang kita ko ang lungkot sa iyong mga mata. Sa tingin ko gagaan ang iyong pakiramdam kung makikita mo sila at makakalaro kahit minsan lang. Sana ay huwag kang magtampo dahil nadito pa rin naman ako na nag aalaga syo. At sila namang lahat ay nakasuporta, umaasa at pinagdarasal na pakiramdam mo ay guminhawa.
Sana madama mo ang pagmamahal sa iyo ng lahat ng tao, para sikapin mo magpagaling ng todo. Pangako ko sa iyo araw-araw na tayo mamamasyal, mag-iikot tayo sa hapon upang pangungulila mo ay maibsan. Kaya pagaling ka na Choco, mahal ka naming yan ay totoo.