Bakit nga ba tayo sumusulat, eh wala namang namumulat. Bakit ba tayo nagkukwento? eh wala naman sila pakialam dito. Ako mismo hindi ko alam ang kasagutan, iyan din ang mga tanong ng sarili kong isipan. Ngunit hindi ko pa rin maialis sa aking sistema, ang pagbabahagi sa iba ng aking masasaya at malulungkot na istorya. Siguro ito na rin ang isa sa mga paraan, upang saya o sakit na nararamdaman ay medyo mabawasan.
Ang tagal rin ng agwat ng huli kong nailathala, pasensya na ganyan ako kapag nasosobrahan sa tuwa. Karaniwan kasi kumukuha ako ng aking inspirasyon sa masasakit na pinagdaanan, ngunit wala ako noon sa nakalipas na isang taon at isang buwan. May mga pagsubok naman na dumating, madali lang nalampasan, dahil dalawa kami ngunit iisa ng damdamin.
Ngayon ko lang napagtanto, na hindi dahilan ang hindi magkasundo. Kailangan parehas kayo ng layunin o mithiin upang kayo ay manatiling buo. Maliliit na pagtatalo ay maiisangtabi, kung ang puso nyo ay iisa ang sinasabi. Matutong makinig at magsalita, pero dapat marunong ka rin umintindi at umunawa. Sana ay may napulot kayo sa munti kong naisulat, yan ay aral para sa akin at aral din sa lahat.