Linggo, Enero 29, 2012

ARAW NG MGA PUSO!

Ito ang araw ng inaabangan ng mga magsing-irog, ngunit kinaiinisan naman ng karamihan. Mas marami kasi ang single sa mundo, kaya siguro mas marami rin ang aburido. Siguro naman ay iyo ng naranasan, ang maging single kapag araw ng puso ay daraan. Hindi kasing saya ng mga taong may kapareha, wala ka kasi matatanggap na matamis, bulaklak o kahit man lang sampagita.

Karaniwan kasi nagbibigayan ang magkatipan ng regalo, tsokolate, bulaklak o ang tinatawag nilang griting kard. Hindi pa dun matatapos ang okasyon na iyon, dahil iyan pa lang ang simula ng ipinagdiriwang na okasyon taon-taon. Karaniwan sila ay kakain sa labas, yung mga walang badyet ay nagluluto na lang para sa kanilang katipan. Saka nila sasariwain ang kanilang mga matatamis at mapapait na nakaraan, at saka sila magtatawanan.

Masarap kasi alalahanin ang noon na inyong pinag-awayan, lalo na nung panahon na kayo ay bago pa lang na magkatipan. Iyan pa kasi yung panahon na maliit na bagay ay pinalalaki, lagi pa kasi kayo magkasama at oras-oras ay ireport ang nangyayari. Ganyan siguro talaga kapag nagsisimula, kailangan patatagin muna ang tiwala upang ang pundasyon ng relasyon ay tumatag at hindi basta mabuwag.

Sana ngayong darating na araw ng mga puso, madama ko rin ang ganyang ligaya. Yung alam mo na kahit anong mangyari, hindi ka nya iiwan at lagi syang nasa iyong tabi.


Sabado, Enero 28, 2012

KAPALARAN BA ITO?

Minsan sa ating buhay, nagugulat tayo sa mga tao, bagay o pangyayari na sa atin ay ibinibigay. Hindi lahat ay maganda at kaaya-aya, ngunit lahat ng ito ay may dahilan at ito raw ay tinatawag nilang " iyong kapalaran ". Ibinigay sa iyo ang pagsubok na ito, upang sukatin kung hanggang saan ang kaya mo. Ngunit meron namang nagsasabi, ang pagsubok na ibinibigay sa syo ay tiyak mo namang malalagpasan, dahil hindi ka Nya bibigyan ng problema na hindi mo naman kaya.

Susukatin nito ang iyong tapang, kung kakapit ka sa patalim o pipilitin mong gawan ng paraan na siguradong nasa tama ka pa ring daan. Meron kasing mga nilalang, nadadaig ng tukso at gusto ay solusyon na mabilisan. Iyon ang parte ng buhay kung saan ang tao ay nakakagawa ng hindi magagandang bagay. Mas pinili kasi magpadaig sa tukso kesa gamitin ang abilidad at utak na ibigay sa tao. 

Yung iba naman ay pinagpapasa Diyos na lang, iaalay sa Kanya ang lahat ng kanilang pinagdaraanan. Hihingi sa kanya ng gabay, at buong tiwala ang tao na mabibigyan ng kasagutan ang pagsubok na sa kanya ay ipinagkaloob. Doon masusukat ang iyong pananampalataya, itatakwil mo ba Sya kung hindi mo nakuha ang sagot na iyong inasahan at inakala? o lalong tatatag ang iyong pananalig, iisipin mo na iyon ang syo ay itinakda dahil Sya sa iyo ay may plano, at ito ang makakabuti para sa iyo.

Ito naman ang pananaw ko, hindi lahat ng nangyari o mangyayari syo ay kapalaran mo o nakatakdang mangyari syo. Ibinigay sa iyo ang kalayaan na piliin ang iyong gusto, ang desisyunan ang buhay na ibigay Nya sa iyo. Kaya ikaw ang gumawa ng iyong kapalaran, ikaw ang may kasalanan kapag ikaw ay nagkamali, nadapa o nasaktan. Hindi nya nanaisin na ikaw ay masaktan at masugatan, ipinapakita lang Nya sa iyo na mali ang tinatahak mong daan.

Ngunit ikaw ay bibigyan pa rin nya ng pagkakataon na bumangon, upang itama ang mga mali mong desisyon. Doon papasok ang mga bagong pagsubok, huwag mong isipin na puro problema ang sa iyo ay kanyang ipinagkakaloob. Iyon ay mga oportunidad na syo ay ibinigay, iyong sunggaban upang itama ang iyong buhay. Sana lang ay makinig ka sa kanya upang hindi ka na magkamali pa, huwag ka magpadaig sa demonyong bumubulong sa iyo dahil iyon ang magiging dahilan ng mga pagkakamali mo.

Buksan mo ang puso at isipan mo, ialay mo sa kanya ang mga pinagdaraanan mo. Manalig ka at makinig, at ang tamang sagot ay iyong madirinig.


Biyernes, Enero 6, 2012

PASKO AT BAGONG TAON

Tuwing sasapit ang ber, September, October, November at December, pakiramdam ay nag-iiba. Ito kasi ang masasayang buwan ng taon, inaabangan na kasi ng lahat ang Pasko at Bagong Taon. Sa okasyon na iyon kami ay nagkakatipon, salo-salo kumain, kwentuhan ang matatanda at naglalaro naman ang mga bata.
Iyon din ang panahon na nakikita ko ang aking mga pinsan, mga tao na noon ay lagi ko kasama ngunit ngayon ay malayo na dahil may kanya-kanya ng pamilya. Masaya kami tuwing araw ng Pasko, hinding-hindi mapapantayan ang kakaibang pakiramdam na hatid nito.

Noong ako ay bata pa inaabangan ko ang pasko, nasasabik kasi ako sa mga regalo at sa aginaldo ng mga ninong at ninang ko. Disperas pa lang ng Pasko meron na akong inaabangang importanteng tao, sya ay si Santa Claus! Sabi ng aking mga magulang kailangan matulog ng maaga, hindi raw kasi pupunta si Santa kapag matigas ang ulo ng bata, at naglalagay daw sya ng regalo sa Christmas tree tuwing hating gabi.
Syempre sa musmos kong isip ako ay napaniwala, na si Santa Claus ay totoo at hindi gawa-gawa. Natuklasan ko na lang nung ako ay nagkaisip na at tumanda, na hindi pala totoo si Santa at ito pala ay si Papa. Simula noon hindi na ako nagsabit ng medyas, hindi na rin ako pumupunta sa mga ninong at ninang ko sa hiya na mamasko eh matanda na ako.  

 Ngayon ay iba na, ako na ngayon ang nagpapapasko at nagbibigay ng regalo. Naiba man ang gawain ko ganon pa rin naman ang ligaya na hatid nito, dahil sa mga ngiti na makikita ko sa mga labi ng mga bata na nabigyan ko ng regalo.
Ngayong taon na ito kami ay masaya, dumating kasi ang kapatid ko na nagmula sa ibang bansa. Minsan lang ang ganitong pagkakataon, na kumpleto kaming magkakapatid pagsapit ng Pasko at Bagong Taon. Marami akong ipinagpasalamat sa taon na dumaan, madami kasi akong natanggap na blessings at natupad din ang aking kahilingan.

Ngayon masaya na ako at kuntento, tahimik na ang buhay ko. Nabawasan man ang mga taong itinuring kong kaibigan, nadagdagan naman ang nagmamahal sa akin at nakakasama ko pa rin ang mga tao na naging totoo sa akin. Salamat sa 2011 na nagdaan, ako ay maraming aral na natutunan.